MINDANAO – Nagpakalat ang pulisya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ng 400 personnel upang tumulong sa mga komunidad na naapektuhan ng pagbaha habang patuloy na nararanasan ang epekto ng Bagyong Inday sa ilang bahagi ng rehiyon.
Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region director Brig. Gen. Christopher Abecia na nagsasagawa ng disaster response operations ang mga ipinakalat na pulis sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte, na naapektuhan ng malalakas na ulan nitong nakalipas na dalawang araw.
“We have over 780 personnel from the Reactionary Standby Support Force on standby for immediate deployment to reinforce operations in areas requiring additional assistance,” pahayag ni Abecia.
Ayon sa kaniya, minomonitor ng Maguindanao provincial police offices ang mga apektadong komunidad, nagbibigay ng seguridad sa evacuation centers, at nakikipag-ugnayan sa local disaster response agencies.
Sinabi ni Abecia na binabantayan ng pulisya ang 22 designated evacuation centers sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Sa kasalukuyan, 278 pamilya, o humigit-kumulang 1,923 indibidwal, ang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation facilities sa mga bayan ng Parang at Sultan Kudarat.
Nagsagawa rin ang pulisya ng tatlong road-clearing operations.
Ayon sa mga awtoridad, walang naiulat na nasawi, nasugatan, nawawala, looting, o gender-based violence kaugnay ng masamang panahon.
“Our personnel stay on high alert and coordinate with local disaster agencies to ensure community safety,” ani Abecia, habang pinaalalahanan ang publiko na sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan at bantayan ang weather updates. Mary Anne Sapico