Home NATIONWIDE 66% ng Pinoys, aprub sa tugon ni Marcos sa WPS

66% ng Pinoys, aprub sa tugon ni Marcos sa WPS

3
0

MANILA, Philippines – Humigit-kumulang anim sa bawat 10 Pilipino ang aprubado sa pagharap ng administrasyong Marcos sa mga isyu sa West Philippine Sea, batay sa non-commissioned survey na inilabas nitong Biyernes ng OCTA Research Group.

Sa survey na isinagawa mula Abril 20 hanggang 24, 2026, lumabas na 66 percent sa 1,200 respondents ang sumasang-ayon sa paraan ng pagharap ni President Ferdinand Marcos Jr. sa mga sigalot sa West Philippine Sea, na bahagi ng mas malawak na South China Sea.

Nasa 13 percent naman ang hindi sumasang-ayon, habang 19 percent ang hindi nagpahayag ng malinaw na posisyon.

Ayon sa OCTA, majority level ang pagsang-ayon sa lahat ng major regions, bagama’t hindi pare-pareho ang antas nito. Pinakamataas ang approval sa Metro Manila sa 70 percent, sinundan ng Balance Luzon sa 68 percent, Visayas sa 65 percent, at Mindanao sa 62 percent.

Pinakamataas naman sa Mindanao ang opposition sa paghawak ni Marcos sa isyu sa 19 percent, na ayon sa OCTA ay nagpapakitang doon nakararanas ng “sharpest scrutiny” ang approach ng administrasyon. Naitala ang negative sentiment sa 13 percent sa Metro Manila, 12 percent sa Balance Luzon, at 11 percent sa Visayas.

May ±3 percent margin of error ang April survey sa 95 percent confidence level.

Nauna nang sinabi ng OCTA na sa hiwalay na March 2026 survey na kinomisyon ng Armed Forces of the Philippines, lumabas na naging mainstream national issue na ang West Philippine Sea.

Ayon sa pollster, ang West Philippine Sea “is no longer a niche foreign policy concern discussed primarily by policymakers and security experts; it has become a broadly recognized national issue commanding public attention across Philippine society.”

Ipinakita rin ng hiwalay na survey na pabor ang mga Pilipino sa mas assertive approach sa pagharap sa West Philippine Sea issue, kabilang ang territorial assertion, diplomacy, at AFP modernization.

Una nang sinabi ni National Maritime Council Undersecretary Alexander Lopez na mahaba ang laban ng Pilipinas sa pagtatanggol sa sovereign rights nito sa West Philippine Sea at maaaring hindi ito maresolba sa kasalukuyang henerasyon.

Ayon kay Lopez, mahalagang maunawaan at ipagtanggol ng kabataang Pilipino ang maritime entitlements ng bansa, at inihalintulad niya ang kampanya ng Pilipinas na itaguyod ang international law sa marathon, hindi sprint.

Gugunitain ng Pilipinas sa Hulyo 12 ang ika-10 anibersaryo ng 2016 Permanent Court of Arbitration ruling na nagpagtibay sa sovereign rights ng bansa sa West Philippine Sea at nagbasura sa malawakang pag-angkin ng China. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here