MANILA, Philippines – Nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang mahigit 70 baboy sa Barangay Tuding, sa Itogon, Benguet.
Dahil dito ay sinimulan ng mga awtoridad ang “depopulation” operations at pagkontrol sa galaw ng mga buhay na baboy at pork products sa mga border.
Sinabi ni Municipal Veterinarian Dr. Franklin P. Balanban na sakop ng culling ang mga baboy na pagmamay-ari ng pitong swine raisers sa mga sitio ng Baguio Gold, Yanggacan, at Cupao.
Kinumpirma ang mga kaso ng ASF mula sa blood samples na sinuri ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory.
Ang mga posibleng source umano ng outbreak ang swill feeding, pagbebenta ng infected pork, galaw ng mga magsasaka, kontaminadong tubig sa ilog, at contact sa kontaminadong mga gamit katulad ng mga sasakyan o footwear.
Bilang tugon ay nagsagawa ang Itogon government, sa pakikipagtulungan sa Provincial Veterinary Office at barangay officials, ng mass disinfection ng mga apektadong pigpen at farm premises.
Nag-isyu si Itogon Mayor Bernard S. Waclin ng
Executive Order No. 38 na nagpapatupad ng mas mahigpit na regulasyon sa galaw ng mga buhay na baboy at pork products sa munisipalidad para mapigilan ang outbreak. RNT/JGC