Home NATIONWIDE Mahinang piso, inaasahang magpapamahal sa pag-aangkat ng bigas

Mahinang piso, inaasahang magpapamahal sa pag-aangkat ng bigas

2
0

MANILA, Philippines – Inaasahang maaapektuhan ang pag-aangkat ng bigas ng Pilipinas dahil sa paghina ng piso kontra dolyar, ayon sa Philippine Chamber of Agriculture and Food, Inc. (PCAFI) nitong Huwebes.

“We are expecting really importation. Dahil sa baba ng presyo ng piso, medyo tatamaan talaga tayo sa importasyon,” sinabi ni PCAFI president Danilo Fausto.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), posibleng umabot o lumampas sa limang milyong metriko tonelada (MT) ang kabuuang inaangkat na bigas ng bansa sa 2026 upang matugunan ang posibleng kakulangan sa lokal na produksyon.

Sa datos ng PCAFI, nakapag-angkat na ang Pilipinas ng 4.8 milyong MT ng bigas hanggang Oktubre. Inaasahan din ang mahigit isang milyong MT na pagkalugi sa palay dahil sa epekto ng Habagat at El Niño ngayong taon.

“So we are expecting na magbi-breach natin yung 5 million MT, baka umabot ng 5.5 million MT ang iimportahan nating bigas para yung supply natin ay mapangalagaan,” dagdag ni Fausto.

Nauna nang sinabi ng DA na maaaring maapektuhan ng mahinang piso ang pag-aangkat ng bansa ng ilang produkto, kabilang ang bigas at abono.

Noong Miyerkules, Nobyembre 4, nagsara ang palitan ng piso sa P63.535 kada dolyar dahil sa inaasahang pagbilis pa ng inflation rate noong Oktubre.

Samantala, umabot sa 3.08 milyong MT ang produksyon ng palay mula Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon, mas mababa nang 18 porsiyento kumpara sa 3.75 milyong MT na naitala sa kaparehong panahon noong 2025.

Sinabi ng DA na inaasahan na ang pagbaba ng produksyon dahil pangunahing dulot ito ng pagliit ng mga lugar na napag-anihan.

Ayon naman sa Federation of Free Farmers Cooperatives, Inc. (FFCI), inaasahan din ang mababang ani sa ikatlong quarter dahil panahon pa ito ng pagtatanim.

“Although ‘yung third quarter, hindi naman masyadong malaki ‘yung ani diyan dahil ‘yan ay parang planting period pa lang. Ang malaking ani ay October, November, December,” sinabi ni FFCI national manager Raul Montemayor.

Gayunman, sinabi ni Montemayor na malaki pa rin ang 18 porsiyentong pagbaba ng produksyon. Batay sa datos, mas kaunting ektarya ang natamnan at naani ng palay, habang hindi gaanong naapektuhan ang ani kada ektarya.

“Pero even then, malaki ‘yung 18% na pagbagsak at nong tiningnan ko ang datos, ang pagbagsak ay dahil kumaunti ang itinanim na palay. Hindi masyadong naapektuhan ‘yung yield o ‘yung ilang kaban bawat ektarya, ang naapektuhan ay ‘yung dami ng ektarya na tinaniman at inanihan,” dagdag niya.

Tinataya ng FFCI na maaaring umabot sa 700,000 tonelada ang ibaba ng produksyon ng palay sa 2026. Gayunman, sinabi ni Montemayor na hindi ito gaanong magdudulot ng panganib sa suplay dahil katumbas lamang ito ng humigit-kumulang 20 araw na konsumo ng bansa at inaasahang aabot sa limang milyong tonelada ang aangkating bigas.

“Hindi naman tayo masyadong manganganib dahil ‘yung 700 tons ay kakainin lang natin sa around 20 days supply. At saka bagama’t bababa ‘yung ating ani ng 700,000 tons, ang ating inangkat ay aabot na ng 5 million tons eh,” ani Montemayor. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here