MANILA, Philippines – Naglabas ang pamahalaang lungsod ng Batac ng P5 milyong Quick Response Fund (QRF) upang agarang matulungan ang mga negosyanteng naapektuhan ng malaking sunog na tumupok sa Batac Public Market noong Hulyo 5.
Kinumpirma ni Batac City Mayor Mark Christian Chua na naipamahagi na ang pondo sa mga may-ari ng mga puwesto batay sa lawak ng pinsalang tinamo ng bawat isa.
Ayon kay Chua, nagkakahalaga ng P10,000 hanggang P100,000 ang ipinamahaging ayuda depende sa resulta ng damage assessment ng lokal na pamahalaan. Karamihan sa mga malubhang naapektuhang stall owners ay tumanggap ng P100,000.
Sinabi ng alkalde na ipagpapatuloy ng city government ang pagbibigay ng suporta sa mga apektadong negosyante upang matulungan silang makabangon mula sa kanilang mga pagkalugi.
Aniya, layunin ng paggamit ng Quick Response Fund na mapalakas ang kakayahan ng lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga sakuna at matiyak na agad na makararating ang tulong sa mga biktima.
Mula pa noong Lunes, nakikipag-ugnayan na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte, at mga tanggapan ng mga kinatawan ng una at ikalawang distrito ng lalawigan upang magsagawa ng damage assessment at tukuyin ang mga benepisyaryo ng ayuda.
Namahagi rin ang mga ahensya ng family food packs, bigas at cash assistance sa halos 300 naapektuhang market vendors, habang tinatayang umabot na sa P10 milyon ang inisyal na halaga ng pinsalang dulot ng sunog.
Tiniyak naman ni Ilocos Norte Governor Cecilia Araneta-Marcos na magpapatuloy ang pagbibigay ng karagdagang tulong, kabilang ang livelihood assistance at mga rehabilitation program, katuwang ang pambansang pamahalaan.
Nagpasalamat ang mga naapektuhang residente sa mabilis na pagtugon ng pamahalaan at hinikayat silang makipag-ugnayan sa kanilang lokal na opisyal upang mapadali ang pagtanggap ng ayuda at iba pang serbisyong maaaring ma-avail. RNT/JGC