MANILA, Philippines – Mistulang sinaway ni Senator-judge Panfilo Lacson ang spokesperson ng impeachment court na si Atty Reginald Tongol sa pagpuna kay Senator-judge Robin Padilla na nagsasalita sa merito ng kasong nililitis laban kay Vice President Sara Duterte.
Partikular na tinutukoy ni Lacson ang pahayag ni Tongol na sakop si Padilla ng sub judice rule o Rule 18 ng Senate Impeachment Court na naglagay ng komento sa social media hinggil sa original o kopya ng video sa pagbabanta ni Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na hindi tungkulin ni Tongol na sawayin o punahin sa publiko ang mga senator-judge dahil sa pagkakamali tulad ng ginawa ni Padilla na nagbigay ng komento sa merito ng kaso.
Ayon kay Lacson, mas mabuting ipaubaya na lamang ni Tongol sa senator-judge mismo ang usapin tulad ng posibleng sub judice na mga pahayag dahil maaari naman nila itong talakayin at resolbahin sa caucus.
“With due respect to Atty. Tongol ang aming spokesperson. Spokesperson siya ng Impeachment Court, nagsasalita siya on behalf of all the senators. Huwag niya ibalik sa amin na parang kami kina-caution-an niya, ina-admonish na wag magsalita ng ganun. Kung halimbawa meron sa aming nakapagsalita ita-take up dapat namin sa aming caucus. Huwag ipahayag sa publiko parang sinasabihan ang mga Senator Judges,” aniya sa panayam sa DZMM.
“If there are indiscretions committed by a senator-judge, it is best to take it up in an all senator-judges caucus, instead of lecturing in public or during the trial,” dagdag niya.
Idiniin din ni Lacson na si Tongol, bilang tagapagsalita ng Impeachment Court— at ng mga Senator-Judge — ay nararapat na umiwas na lamang sa pagbibigay ng puna hinggil sa asal o kilos ng mga senator-judge.
Aniya, “uncalled for” ang pagkomento ni Tongol sa mga usapin gaya ng Facebook post ni Sen. Robinhood Padilla, dahil siya ang tagapagsalita ng Hukuman at hindi ang kritiko nito.
“It is not in his space to call the attention of senator-judges to adhere to Rule 18 of the Rules of Procedure on Impeachment Trials, even sounding like he was admonishing Sen. Padilla for his FB comments,” diin ni Lacson.
Kasabay nito, muling binigyang-diin ni Lacson na may pananagutan ang mismong mga Senator-Judge na magpakita ng self-restraint sa kanilang mga pampublikong pahayag upang maiwasan ang anumang pananaw na sila ay kumikiling sa alinmang panig.
“We should be responsible enough. Dapat conscious kami lagi na mga huwes kami. Hindi kami pwedeng magpahayag even sa interviews tulad nito o mismo sa trial na nagpoproject na kami panig sa prosecution o depensa,” aniya.
Samantala, sinabi ni Lacson na maaaring magkaroon ng panibagong caucus ang mga Senator-Judge sa darating na linggo upang talakayin ang mga nakabinbing mosyon, kabilang ang mosyon ni Senator-judge Alan Peter Cayetano na makipag-ugnayan sa Sandiganbayan upang payagan ang mga nakakulong na senador—kabilang si Jose “Jinggoy” Estrada—na dumalo sa paglilitis. Ernie Reyes