Home METRO Mga katutubong magkakape sa Sultan Kudarat, biniyayaan ng P317K suporta ng DAR

Mga katutubong magkakape sa Sultan Kudarat, biniyayaan ng P317K suporta ng DAR

3
0

SULTAN KUDARAT, Philippines – Magiging mas produktibo na ang kabuhayan ng mga magkakapeng katutubong agrarian reform beneficiaries organization (ARBO) sa Sultan Kudarat itoy matapos pagkalooban ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng P317,000 halaga ng mga farm machineries and equipment (FME) para sa pagproseso ng kape at sangkap pananim.

Tinanggap ng Tribal Christian Farmers Agriculture Cooperative (Tricrifac) sa Barangay Santo Niño, Bagumbayan ang suporta sa ilalim ng Climate-Resilient Farm Productivity Support Program – Sustainable Livelihood Support for Disaster-Affected Areas (CRFPSP-SLSDAA). Layunin nitong pataasin ang produksyon at ihanda sila sa hamon ng pabago-bagong klima.

Kaugnay nito ipinagdiinan ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III ang kahalagahang maibigay sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang kinakailangang tulong serbisyo upang matuto silang tumayo sa sariling mga paa at patuloy na paunlarin ang kanilang pansakahang pamayanan.

“Kinikilala ng DAR ang kahalagahan ng mga indigenous peoples bilang mga aktibong kabalikat para sa kaunlaran sa kanayunan,” ani Estrella.

Sinabi ni DAR-Sultan Kudarat provincial agrarian reform program officer Rhea Marie P. Betque na kabilang sa mga ipinamahaging kagamitan ang isang coffee huller, isang coffee grinder, 13 knapsack sprayer, 25 weeders at 25 sakong abono.

Samantala inaasahang malaking tulong ang mga kagamitan sa pagproseso ng kape, kabawasan sa gastos sa produksyon, at paglago ng de-kalidad na ani ng nasabing agrarian reform beneficiaries organization (ARBO).

“Sa pamamagitan ng mga kagamitan sa produksyon at pagproseso ng kape, tinutulungan nating maging mas produktibo at palaban ang mga katutubong ARBs upang maging handa sa paparating na mga oportunidad pangkabuhayan,” ayon kay Belque.

Nilagdaan din sa pagitan ng DAR at Tricrifac ang isang Trust Agreement kung saan inako ng huli ang wastong paggamit, pamamahala at pangangalaga sa mga ipinagkaloob na kagamitan. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here