MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki dahil sa tangkang pagnanakaw at trespassing matapos mahuli sa aktong nagtatangkang magnakaw ng copper na tubo mula sa air conditioning unit ng isang diagnostic center sa Quezon City kagabi Hulyo 10 (Biyernes).
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) PBGEN Randy Glenn Silvio na kilala ang suspek na si alyas “Jomar” 39-anyos, at residente ng Brgy. Balon Bato, Quezon City.
Batay sa ulat ng La Loma Police Station 1, sa pamumuno ni PLTCOL Jose Luis Aguirre, ang suspek ay may rekord na ng mga nakaraang paglabag sa batas dahil sa kasong Attempted Theft (pagtatangkang pagnanakaw), Trespassing (ilegal na pagpasok sa pribadong lugar), at Malicious Mischief (paninira ng ari-arian).
Nabatid sa imbestigasyon, bandang alas-6:25 ng gabi nitong Biyernes nakarinig ang security guard na naka-duty sa isang diagnostic center—na matatagpuan sa kanto ng A. Bonifacio Avenue at Pag-asa St., Brgy. San Jose, Quezon City—ng malakas na tunog ng pag-spark ng kuryente mula sa fire exit sa ikalawang palapag. Nang kanyang suriin ang lugar, naabutan niya ang suspek sa tabi ng outdoor air conditioning unit at natuklasang naputol na ang copper tubing nito.
Agad na pinigilan ng security guard ang suspek at humingi ng tulong sa mga tauhan ng PS 1 na nagpapatrolya sa malapit; mabilis namang rumesponde ang mga ito at inaresto ang suspek. Narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang isang naputol na copper tube, na pinaniniwalaang kinuha mula sa nasirang air conditioning unit.
Batay sa beripikasyon gamit ang Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) System, natukoy na ang suspek ay isang “repeat offender” o paulit-ulit na lumalabag sa batas, na may mga nakaraang kaso kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9165 noong Abril 2025, Republic Act No. 9287 noong Marso 2026, at Presidential Decree No. 1602 noong Mayo 2026.
Inihahanda na ang mga kasong Attempted Theft (pagtatangkang magnakaw), Trespassing (ilegal na pagpasok sa pribadong lugar), at Malicious Mischief (sadyang pagkasira ng ari-arian) laban sa suspek sa tanggapan ng Quezon City Prosecutor.
Kaugnay nito pinuri naman ni PBGEN Randy Glenn Silvio ang pagiging mapagmatyag ng security guard at ang mabilis na pagresponde ng mga pulis, kung saan binigyang-diin niya na nananatiling pursigido ang QCPD sa kampanya nito laban sa mga paulit-ulit na lumalabag sa batas at sa lahat ng uri ng kriminalidad.
“Ang aming pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad ay nakatuon hindi lamang sa pagtugon sa mga krimen, kundi pati na rin sa pagtiyak na ang mga paulit-ulit na lumalabag sa batas ay mapanagot sa pamamagitan ng tamang prosesong legal. Hinihikayat namin ang mga establisyimento at ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat ang mga kahina-hinalang aktibidad upang maiwasan ang mga krimen bago pa man lumala ang mga ito,” pahayag ni PBGEN Silvio. (Santi Celario)