Home METRO Grade 4 pupil sa Cavite, nasawi matapos ng deworming; DepEd nakikipagtulungan sa...

Grade 4 pupil sa Cavite, nasawi matapos ng deworming; DepEd nakikipagtulungan sa imbestigasyon

1
0

CAVITE, Philippines – Namatay ang isang 8-anyos na Grade 4 pupil ng Hugo Perez Elementary School–Annex sa Trece Martires City, Cavite, isang araw matapos siyang uminom ng gamot na pampapurga bilang bahagi ng school deworming program.

Ayon sa ina ng bata, noong Hulyo 2, 2026, pinainom umano ng class adviser ang kanyang anak ng gamot. Bagama’t pumirma siya ng waiver para sa programa, nagtaka siya dahil ang guro umano ang nagbigay ng gamot at hindi ang mga magulang, tulad ng mga nakaraang deworming activities.

Pag-uwi ng bata, nakaranas umano ito ng matinding pananakit ng ulo at tiyan, paulit-ulit na pagsusuka, mataas na lagnat, at pagdurugo ng ilong. Kinabukasan, Hulyo 3, ay pumanaw ito.

Nanawagan ang pamilya sa National Bureau of Investigation (NBI) at Public Attorney’s Office (PAO) na isailalim sa autopsy ang labi ng bata upang matukoy ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay at mapanagot ang sinumang may pananagutan.

Samantala, nagpahayag ng pakikiramay ang DepEd Cavite Province at Hugo Perez Elementary School–Annex sa pamilya ng bata. Sinabi rin ng DepEd na nakikipagtulungan sila sa mga kinauukulang ahensya para sa masusi, patas, at komprehensibong imbestigasyon at tiniyak na prayoridad nila ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na resulta ng imbestigasyon, kaya hindi pa matukoy kung may direktang kaugnayan ang nainom na gamot sa pagkamatay ng bata. MARGIE BAUTISTA 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here