Home METRO 2 kawatan sa Caloocan, arestado sa Malabon

2 kawatan sa Caloocan, arestado sa Malabon

1
0

MANILA, Philippines – Kulungan ang bagsak ng dalawang kawatan na lumimas sa mga kagamitan, alahas at gadget sa bahay ng 54-anyos na biyuda sa Caloocan City nang matunton ng pulisya sa Malabon City, Huwebes ng hapon.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, umalis ang biktimang si alyas “Mary” upang gampanan ang trabaho sa Ilocos Sur noong Hunyo 30 at bago lumisan ay tiniyak na nakakandado ang pintuan sa harap at likod ng kanyang bahay sa Jude Street, Kingstown II, Brgy., 171, Bagumbong.

Nang dumating ang biktima noong alas-9:10 Huwebes ng umaga, Hulyo 9, nagulat siya dahil nalimas na halos lahat ang mga gamit at alahas sa kanyang bahay at wasak din ang likurang pintuan ng bahay na posibleng dinaanan ng mga suspek.

Nasaksihan naman ng isang testigo ang ginawang paghahakot ng mga suspek sa kagamitan ng biktima noong araw ng Martes at Miyerkules na isinakay sa Mitsubish Mirage, kaya agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni Gen. Capili na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sina alyas “Olatorio” 28, at alyas “Borbes”, 29, alas-4:00 ng hapon sa Brgy. Flores, Malabon City.

Nabawi sa mga suspek ang P45,000 halaga ng automatic washing machine, P25,000 halaga ng oven, P7,000 na turbo broiler, P35,000 na ice crusher, P15,000 na cake mixer, at P25,000 na steamer na kabilang sa kanilang tinangay, habang hindi pa nababawi ang gold necklace, gold bracelet, gold ring, Louie Vuitton wrist watch na may kabuuang halagang P290,000.00, pati na ang P34,000 Samsung refrigerator, P65,000 split type aircon, at P70,000 na Apple Ipod.

Sinabi ni BGen. Capili na magiging bahagi na rin ng imbestigasyon ang anak na lalaki ng biktima matapos aminin ng biyuda na kaibigan ng kanyang anak ang mga nadakip na suspek. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here