MANILA, Philippines – Umakyat na sa 20 ang bilang ng mga nasawi sa Bagyong Inday at pinalakas nitong Habagat sa Mindanao at Visayas.
Ayon sa mga awtoridad, nagpapatuloy ang search operations para sa 13 indibidwal na nawawala kasunod ng malalaking landslide at malawakang pagbaha.
Isa sa pinakahuling nadagdag sa listahan ng mga biktima ay nagmula sa Barangay Tanuman sa Jose Abad Santos, Davao Occidental, matapos na makaranas ng malalakas na pag-ulan at pagbaha ang munisipalidad noong Hulyo 10.
Hanggang nitong Linggo ng hapon, Hulyo 12, ay mayroong 13 indibidwal ang nawawala sa Mindanao. Walo ay mula sa Jose Abad Santos, isa sa Malapatan, Sarangani, at apat sa Calanogas, Lanao del Sur. RNT/JGC