MANILA, Philippines – Magbubukas ngayong Lunes, Hulyo 13 ang ikalawang linggo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng testimonya ni NBI Regional Director Jeremy Lotoc.
Si Lotoc ang ikalawang testigo ng House prosecution matapos ang tatlong araw na pagtestigo ni NBI Senior Agent John Mark Calilung.
Patuloy na tatalakayin ng impeachment court ang Article IV ng impeachment complaint na may kaugnayan sa umano’y grave threats laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez, gayundin ang kasong inciting to sedition.
Inaasahang magbibigay si Lotoc ng detalye tungkol sa umano’y “hitman” na binanggit ni Duterte sa kanyang online press briefing noong Nobyembre 2024. Nauna na rin niyang sinabi sa imbestigasyon ng Kamara na may paunang ebidensya tungkol dito.
Nagyong Lunes din ang deadline ng pagsusumite ng memoranda ng prosecution at defense tungkol sa hiling na ipa-subpoena ang bank at tax records ni Duterte. Maghahain naman ng oral arguments ang magkabilang panig sa Miyerkules.
Inaasahan ding tumestigo ngayong linggo ang chief of staff ni Duterte na si Zuleika Lopez at House Legislative Security Bureau Executive Director Capt. Belinda Bello. RNT/MDS