MANILA, Philippines – Kinokonsidera ng Malakanyang na magpataw ng mas mabigat na parusa at malaking multa sa mga pasaway na nagtatapon ng basura sa kung saan-saan lang.
Bahagi ito ng pagsisikap ng gobyerno na tugunan ang pagbaha.
“At sa ngayon ay pinag-uusapan na na lakihan ang penalty para sa mga pasaway na nagtatapon ng basura kung saan-saan lang. Itabi ang inyong basura at i-dispose nang tama. Sa ganitong paraan ay makakatulong kayo na mapanatiling malinis ang paligid at ligtas ang mga komunidad mula sa baha,” ayon kay Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Aniya pa, may mga mamamayan aniya na nahuli sa CCTV na nagtatapon ng basura sa mga creek. May mga mamamayan rin aniya na nagtatapon din ng kanilang basura sa labas ng bintana habang umaandar ang sasakyan.
“Ang administrasyon ay ginagawa ang lahat pero ang iba, dumadagdag pa sa problema. Maging responsable para sa sarili at para sa bayan,” ani Castro.
“Kung hindi man po kayo makatulong sa paglilinis ng mga drainage ay huwag na pong maging sanhi ng pagbaha. Tumulong na lang po kayo. Kapag nahuli kayong nagtatapon ng basura, papanagutin kayo,” diing pahayag ni Castro.
Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na may mga ahensiya ng pamahalaan ang kaliwa’t kanan ang trabaho sa flood control works.
Ito’y upang tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad at mapanatiling mabilis ang daloy ng trapiko sa mga lansangan.
Tinukoy ni Castro ang walang patid na trabaho ng MMDA sa pamumuno ni Chairman Don Artes at GM Nic Torre, at DPWH sa pamumuno ni Sec. Vince Dizon nitong mga nakaraang araw bilang paghahanda sa epekto ng Bagyong Inday.
“Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang mabilis na pagbaba ng tubig sa mga bahaing lugar. Kaya naman kahit umuulan o hindi ay patuloy ang trabaho ng mga kawani ng MMDA at DPWH upang linisin ang mga daluyan ng tubig, panatilihing operational ang mga pumping station at clearing and dredging activities sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila,” ang sinabi pa ni Castro.
“Ang resulta? Mas mabilis na humupa ang baha at nanatiling passable sa mga commuter at motorista ang mga kalsada. May mga lugar na hindi pa rin agad humuhupa ang baha kaya’t hindi titigil ang administrasyon na maisaayos ang lahat ng lugar sa Pilipinas na lubhang bahain,” aniya pa rin.
Kaya nga aniya “Tuluy-tuloy lang ang trabaho. Pero hindi ito natatapos dito, kailangan ng pamahalaan ang tulong ng bawat Pilipino.”
“Tuluy-tuloy po ang aksiyon ng pamahalaan upang labanan ang baha. Tumulong po tayong lahat para maiwasan natin ang panganib at abala dulot ng maling pagtatapon ng basura. Responsibilidad natin lahat na maging maayos ang ating bansa,” ang winika ni Castro. (KRIS JOSE)