KORONADAL CITY — Tatlo ang nasawi habang anim pa ang nawawala matapos bahain ang Jose Abad Santos, Davao Occidental, nitong nakaraang weekend dahil sa mga pag-ulang dulot ng southwest monsoon o habagat na pinalakas ng Super Typhoon Inday.
Sinabi ni Jose Abad Santos municipal information officer at spokesperson Julie Marie Muda Buen na kabilang ang tatlong nasawi sa siyam na unang naiulat na nawawala sa Barangay Tanuman.
Kinilala ang mga biktima na sina Baby Jane Abon Cabca, 46; ang siyam na taong gulang niyang anak na si Ruby Jane Abon Cabca; at ang kanyang dalawang taong gulang na apo na si Baby Leonard.
Natagpuan si Ruby Jane bago mag-alas-2 ng hapon noong Sabado, habang narekober naman noong Linggo ng hapon ang mga labi nina Baby Jane at Leonard.
Nakaligtas sa insidente ang 55-anyos na residenteng si Danny Pallano Diantan.
Ayon kay Buen, inanod ng baha ang mga debris patungo sa Tanuman Bridge, dahilan upang umapaw ang tubig sa mga kalapit na bahay, kabilang ang mga tahanan ng mga pamilyang Abon, Diantan, Masaglang, at Taluno.
Patuloy ang search, rescue, and retrieval operations para sa anim na nawawalang pinaniniwalaang inanod ng malakas na agos. Dalawa sa kanila ay iniulat na mga senior citizen.
Sinabi ng mga awtoridad na isa sa pinakamalaking hamon sa operasyon ang pagtukoy kung saan maaaring inanod ng baha ang mga nawawala.
Apektado rin ng pagbaha ang mga barangay ng Magulibas, Kalbay, Malalan, Butuan, at Sugal.
Batay sa paunang ulat ng disaster authorities, tinatayang 269 pamilya ang naapektuhan at hindi bababa sa 28 bahay ang lubusang nasira.
Patuloy namang namamahagi ang lokal na pamahalaan ng food packs at non-food items sa mga evacuee at apektadong pamilya. Mary Anne Sapico