Home NATIONWIDE Phivolcs: Lumayo sa danger zones habang aktibo ang Mayon, Kanlaon

Phivolcs: Lumayo sa danger zones habang aktibo ang Mayon, Kanlaon

3
0

MANILA, Philippines — Hinimok ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga komunidad malapit sa Mayon at Kanlaon volcanoes na manatiling mapagmatyag at huwag pumasok sa mga itinalagang danger zone habang patuloy ang aktibidad ng dalawang bulkan.

Sinabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon, habang nasa Alert Level 2 ang Kanlaon.

Nakapagtala ang Mayon ng sulfur dioxide emission na 13,928 tonelada kada araw noong Hulyo 11, ang pinakamataas na naitala sa bulkan sa loob ng 26 taon.

“Actually po, based sa latest advisory natin, ang 13,928 noong July 11, ito’y highest emission ng Mayon sa loob ng (Actually, based on our latest advisory, the 13,928 on July 11 is the highest emission of Mayon in the past) 26 years – not 16 years,” ani Bacolcol.

Binigyang-diin niyang hindi lamang sulfur dioxide level ang batayan ng Phivolcs sa pagsusuri sa kalagayan ng bulkan.

“Importante na hindi lang SO₂ ang tinitingnan natin, kasabay nito ang lava effusion, may volcanic earthquakes pa rin tayo, may rockfall activity at crater glow at slight inflation o pamamaga sa north-eastern flanks ng bulkan. So, kapag pinagsama-sama natin ang lahat ng monitoring data, ang interpretation natin ay mananatiling mataas ang unrest at may possibility na magbago ang current eruption behavior. But for now, nasa Alert Level 3 pa rin ang Mayon Volcano,” aniya.

Bagama’t bumaba sa 5,842 tonelada kada araw ang sulfur dioxide emission ng Mayon noong Linggo, sinabi ni Bacolcol na nananatili itong mas mataas sa normal.

Nakapagtala rin ang Phivolcs ng panandaliang pyroclastic density current o “uson” na umabot nang humigit-kumulang 300 metro pababa ng dalisdis. Patuloy din ang pagdaloy ng lava sa Basud, Bonga at Mi-isi gullies.

Sa nakalipas na 24 oras, naitala sa Mayon ang mahinang Strombolian activity, 92 volcanic earthquakes at 299 rockfall events.

Nagbabala si Bacolcol na maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, ilong at lalamunan at hirap sa paghinga ang mataas na sulfur dioxide level, lalo na sa mga may asthma at iba pang respiratory illness.

“So, tandaan lang na ang N95 ay effective ito laban sa volcanic ash kaysa mismong sulfur dioxide gas. Kaya kung mataas ang gas concentration, mas mainam na umiwas muna sa affected areas kung kinakailangan,” aniya.

Samantala, nananatili sa Alert Level 2 ang Kanlaon matapos ang moderately explosive eruption nito noong Hulyo 9 na nagbuga ng ash plume, pyroclastic density currents at ballistic fragments.

Umabot sa 31 barangay sa 12 munisipalidad at pitong lungsod ang naapektuhan. Pinakamalaking epekto ang naitala sa Canlaon City at San Carlos City, habang umabot ang bakas ng abo sa ilang bahagi ng Cebu.

Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang Phivolcs ng walong volcanic earthquakes, sulfur dioxide emission na 741 tonelada kada araw at patuloy na ground inflation sa Kanlaon.

“Kung magkakaroon ng mas frequent na explosive eruption, so sabay-sabay na tumataas iyong ibang monitoring parameters natin, then we may raise it to Alert Level 3. But for now, maintain muna natin ang Alert Level 2,” ani Bacolcol.

Pinayuhan ang mga residente na gumamit ng N95 mask, goggles at gloves sa paglilinis ng volcanic ash, bahagyang basain muna ito bago walisin, ilagay sa sako at huwag itapon sa kanal o drainage system.

“Manatiling kalmado but maging vigilant. Parehong very much active ang Mayon at Kanlaon Volcanoes kaya mahalagang sundin ang danger zones, permanent danger zone na ni-recommend natin,” ani Bacolcol.

“For Kanlaon Volcano, it’s four kilometers; and for Mayon Volcano, six kilometers. Again, sundin ang advisories ng ating tanggapan at ang kanilang mga LGUs,” dagdag niya. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here