Home LIFESTYLE HEALTH COVID sa Baguio, dumarami, pero ‘manageable’ – Magalong

COVID sa Baguio, dumarami, pero ‘manageable’ – Magalong

1
0

BAGUIO CITY — Nananatiling manageable ang pagtaas ng Covid-19 cases sa Baguio City dahil karamihan sa mga naitalang impeksiyon ay mild lamang, ayon kay Mayor Benjamin Magalong nitong Lunes.

Nakapagtala ang lungsod ng 41 Covid-19 cases mula Enero, kabilang ang 37 noong huling linggo ng Hunyo. Tinatayang 78 porsiyento ng mga kaso ay mild at karamihan ay kinasasangkutan ng health care workers.

“These are more of occupational hazards,” ani Magalong.

Sinabi niyang nakipag-ugnayan na ang lungsod sa mga ospital at health center upang paigtingin ang surveillance, case investigation, contact tracing, at pagpapatupad ng safety and health protocols.

“We have communicated with hospitals and health centers to heighten their surveillance, case investigation and contact tracing, and apply safety and health protocols to prevent transmission.”

Hinimok din ni Magalong ang mga residente at turista na mag-ingat, lalo na kapag dumadalo sa matataong pagtitipon.

“Sana maging maingat ang ating kababayan, mga bisita na kapag mag-a-attend ng event na crowded, magsuot ng face mask, huwag makipagkamay, fist bump muna. Take vitamin C para ma-boost ang (Be cautious. Avoid shaking hands, wear face mask and take vitamin C to boost) the immune system,” aniya.

Tiniyak naman niyang kayang tugunan ng health system ng lungsod ang pagtaas ng kaso.

“I would like to assure our tourists, don’t worry about what is happening with the increasing number of Covid cases. We can manage it,” sinabi ni Magalong.

Samantala, nagbabala ang City Health Services Office sa patuloy na pagkalat ng influenza-like illnesses ngayong panahon ng tag-ulan at malamig na klima.

Mula Enero hanggang Hulyo 9, nakapagtala ang lungsod ng 1,480 influenza-like illness cases. Humigit-kumulang isa sa bawat limang pasyente ang kinailangang maospital, na karamihan ay mga batang edad isa hanggang 14.

Ayon sa tanggapan, maaaring sabay-sabay o salit-salitang kumalat ang respiratory illnesses gaya ng influenza, respiratory syncytial virus, at SARS-CoV-2.

“This pattern is a reminder that flu season is not a single event. It is a rotating cast of viruses, and the specific threat changes month to month,” ayon sa CHSO.

Nakapagtala naman ang Department of Health-Cordillera ng 3,771 influenza-like illness cases sa buong rehiyon mula Enero hanggang Hulyo 6, mas mababa ng 36 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Umabot din sa 71 ang Covid-19 cases sa rehiyon mula Enero hanggang Hulyo 11, mas mababa ng 44.8 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong 2025. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here