Home NATIONWIDE Bagyong Josie pasok na ng Pinas

Bagyong Josie pasok na ng Pinas

3
0

MANILA, Philippines — Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility ang Tropical Storm Josie, na may international name na Haishen, ngunit maliit ang posibilidad na direktang maapektuhan nito ang lagay ng panahon sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes.

Sa 5 a.m. bulletin ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo 1,085 kilometro silangan ng Eastern Visayas.

Taglay ni Josie ang maximum sustained winds na 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kph.

Kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 25 kph, habang umaabot hanggang 480 kilometro mula sa sentro ang malalakas hanggang gale-force na hangin nito.

Walang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa.

Bagama’t hindi direktang nakaaapekto si Josie, nagbabala ang PAGASA na magdadala ang pinalakas na southwest monsoon o habagat ng malalakas hanggang gale-force na pagbugso ng hangin, lalo na sa mga lantad na baybayin at matataas na lugar.

Maaapektuhan ng habagat ngayong Martes ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.

Sa Miyerkoles, maaapektuhan ang Ilocos Region, Abra, Apayao, Zambales, Bataan, Batanes at Babuyan Islands. Magpapatuloy naman ang epekto nito sa Ilocos Region, Abra, Apayao, Batanes at Babuyan Islands sa Huwebes.

Nagtaas ang PAGASA ng gale warning sa kanlurang baybayin ng Babuyan Islands at Pangasinan, gayundin sa mga baybayin ng Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union, kung saan maaaring umabot sa tatlong metro ang taas ng alon.

“Mariners of small seacrafts, including all types of motorbancas, are advised not to venture out to sea under these conditions, especially if inexperienced of operating ill-equipped vessels,” babala ng PAGASA.

Makakaranas din ng katamtaman hanggang maalong karagatan na may taas na hanggang 2.5 metro ang nalalabing baybayin ng Pangasinan, mga baybayin ng Batanes at Zambales, at kanlurang baybayin ng Bataan, Batangas at Occidental Mindoro, kabilang ang Lubang Islands.

Posible ring umabot sa dalawang metro ang mga alon sa nalalabing baybayin ng Babuyan Islands, katimugang baybayin ng Bataan, at hilagang baybayin ng mainland Cagayan, Calamian Islands at Kalayaan Islands.

Pinayuhan ang mga nagpapatakbo ng motor banca at katulad na maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat at iwasang pumalaot kung maaari.

Inaasahang kikilos si Josie pahilaga hanggang Miyerkoles bago lumiko pahilagang-silangan. Posible itong lumabas ng PAR sa Martes ng gabi o Miyerkoles ng umaga.

“Considering these developments, the public and disaster risk reduction and management offices concerned are advised to take all necessary measures to protect life and property,” pahayag ng PAGASA.

Hinimok ang mga residente sa mga lugar na madaling tamaan ng panganib na sundin ang evacuation orders at mga tagubilin ng lokal na pamahalaan, at patuloy na subaybayan ang mga lokal na abiso mula sa PAGASA Regional Services Divisions. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here