Home HOME BANNER STORY Trump kumilos vs ‘banta’ ng ICC sa kasarinlan ng US

Trump kumilos vs ‘banta’ ng ICC sa kasarinlan ng US

3
0

WASHINGTON/THE HAGUE — Naglunsad ang administrasyon ni US President Donald Trump ng diplomatikong kampanya upang ihiwalay ang International Criminal Court (ICC), na inakusahan nitong banta sa soberanya ng Estados Unidos at sa mga Amerikanong opisyal at tauhan.

Sa isang video message nitong Lunes, sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na nilikha ang ICC upang litisin ang pinakamabibigat na krimen ngunit naging “something far more radical and extreme.”

Iginiit niyang hindi pahihintulutan ng administrasyon na puntiryahin ng korte ang mga opisyal, sundalo at law enforcement personnel ng Estados Unidos.

“As we speak, the ICC and its friends are waging a war against our country, not with bullets and missiles, but with statutes, compacts, and the force of so-called international law,” sinabi ni Rubio.

Ayon sa isang opisyal ng State Department na nakapanayam ng Reuters, kabilang sa mga pinag-aaralang hakbang ang travel bans, pagkansela ng visa, karagdagang sanctions laban sa ICC at mga kaakibat na organisasyon, at diplomatikong panggigipit sa ibang mga bansa upang kumalas sa korte.

“No diplomatic option will be off-limits in the campaign to dismantle the threat posed by the ICC to Americans,” pahayag ng State Department.

Sinabi ng opisyal na hinihimok ng Washington ang mga bansang katuwang ng US law enforcement, nagho-host ng mga puwersang militar ng Amerika o nakikinabang sa US security assistance na tanggihan ang sinasabing kapangyarihan ng ICC na usigin ang mga opisyal at sundalong Amerikano.

Posibleng masusing bantayan ang mga bansang patuloy na kumikilala sa ICC habang umaasa sa tulong ng Estados Unidos, dagdag ng opisyal.

“We will watch with interest which nations join ranks with us against this threat to Americans who are willing to risk their lives to protect others,” sinabi nito.

Tumangging magkomento sa ngayon si ICC spokesperson Oriane Maillet.

Itinatag noong 2002, ang ICC ay lumilitis sa genocide, war crimes at crimes against humanity kapag hindi kaya o ayaw umaksyon ng mga pambansang awtoridad. Hindi miyembro ng korte ang Estados Unidos, ngunit maaaring usigin ng ICC ang mamamayan ng isang non-member state kapag ang umano’y krimen ay ginawa sa teritoryo ng isang bansang miyembro.

Matagal nang tutol si Trump sa ICC mula pa sa kanyang unang termino. Kasunod ang bagong kampanya ng mga sanctions laban sa mga opisyal at hukom ng korte, na bahagi umano ng pagsisikap na hadlangan ang anumang posibleng kaso laban kay Trump o sa kanyang mga opisyal kaugnay ng mga operasyong militar ng US sa ibang bansa.

Noong nakaraang buwan, nagsampa ng kaso laban kay Trump at sa kanyang administrasyon ang tatlong hukom ng ICC, na nagsabing labag sa batas ang sanctions na ipinataw sa kanila.

Binanggit din ni Rubio ang mga panawagang usigin ang US personnel kaugnay ng deportasyon ng mga migrante at mga pag-atake ng Amerika sa mga sasakyang pandagat na pinaghihinalaang nagdadala ng ilegal na droga.

Gayunman, walang ginawang hakbang ang ICC nitong mga nakaraang taon upang imbestigahan ang US personnel. Bagama’t nagbukas ito noong 2020 ng imbestigasyon sa Afghanistan na kinabibilangan ng posibleng krimen ng mga sundalong Amerikano, mula 2021 ay mas binigyang-prayoridad ng korte ang mga alegasyon laban sa dating Afghan government at Taliban forces. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here