TEHRAN, Iran — Naglunsad ang Estados Unidos ng panibagong bugso ng pag-atake laban sa Iran madaling araw ng Martes, ikatlong magkakasunod na gabi ng pambobomba mula nang muling sumiklab ang labanan, kahit sinabi ni US President Donald Trump na posible pa rin ang kasunduan sa Tehran.
“We’re going to hit them very hard tonight, and we’re going to hit them hard tomorrow,” sinabi ni Trump kay conservative radio host Hugh Hewitt nitong Lunes.
Ayon sa US Central Command (CENTCOM), nagsimula ang mga pag-atake dakong 2045 GMT at tinarget ang mga pasilidad militar ng Iran, kabilang ang submarine at ship maintenance facility sa Bandar Abbas Naval Base.
Gumamit ang US forces ng tatlong Corsair unmanned surface vessel, na sinasabing unang pagkakataong gumamit ang Amerika ng mga sea drone sa isang combat operation.
“These strikes will continue imposing a heavy cost on Iranian forces and degrade their ability to attack innocent civilians and commercial shipping in the Strait of Hormuz”, pahayag ng CENTCOM.
Sinabi ng militar ng US na dose-dosenang target ang kanilang tinamaan noong Lunes. Inihayag naman ng Revolutionary Guards ng Iran na inatake nito ang mga target at base militar ng Amerika sa Bahrain, Jordan, Kuwait at Oman.
Pormal na inabisuhan ni Trump ang US Congress noong nakaraang linggo na muling pumasok sa armadong labanan laban sa Iran ang Estados Unidos. Nagbigay ito sa Pentagon ng karagdagang 60 araw upang magsagawa ng operasyon sa rehiyon nang walang pag-apruba ng Kongreso.
Nagbanta rin si Trump na wawasakin ang Pickaxe Mountain, isang nuclear site na nakabaon nang malalim malapit sa Natanz at pinaghihinalaan ng Western intelligence na ginagamit para sa hindi idineklarang uranium enrichment facility.
“Tell the Iranians to be ready. Let them know we’re coming… there’s not a damn thing they can do about it,” sinabi ni Trump.
Inihayag din ng CENTCOM na muling ipatutupad ang blockade sa mga pantalan ng Iran simula 2000 GMT nitong Martes. Tumaas nang mahigit siyam na porsyento ang presyo ng langis dahil sa pangambang lalawak ang labanan.
Idineklara ni Trump na ang Estados Unidos ay makikilala bilang “known as ‘THE GUARDIAN OF THE HORMUZ STRAIT'” at maniningil ng 20-percent fee sa lahat ng kargamentong dadaan sa estratehikong daanan ng tubig.
Habang muling isasailalim sa blockade ang mga pantalan ng Iran, sinabi ni Trump na “all other countries will have fair and open use of the strait”.
Kinutya ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi ang plano at sinabing “POTUS is absolutely right” na dapat bayaran ang sinumang titiyak sa ligtas na pagdaan, ngunit idinagdag na “20% is of course too much.”
Sa kabila ng nagpapatuloy na pag-atake, sinabi ni Trump na posible pa rin ang diplomatikong kasunduan.
“Yeah, I think a deal is possible. Sure, I do,” sinabi ni Trump sa mga mamamahayag sa Oval Office. “We had a deal with them two days ago and then they said ‘Oh we can’t make that deal. We have to negotiate it further.'”
Sinabi ni Iranian Foreign Ministry spokesperson Esmaeil Baqaei na “in crisis” ang memorandum of understanding noong Hunyo na nagsilbing batayan ng negosasyon at nagtapos sa naunang blockade ng US.
Nagbabala si Baqaei na hindi rin tutuparin ng Iran ang mga obligasyon nito kapag hindi tumupad ang Washington. Gayunman, sinabi niyang nagpapatuloy ang pakikipag-usap ng Tehran sa mga tagapamagitan mula Qatar, Pakistan at Oman upang maiwasan ang higit pang paglala ng tensyon.
Iniulat ng Iranian state media ang mga nasawi at pagsabog sa malalawak na bahagi ng timog at kanlurang Iran, kabilang ang hindi bababa sa apat na pagsabog sa silangan ng Bandar Abbas.
Hindi bababa sa 25 katao ang nasawi sa Iran mula nang muling sumiklab ang labanan noong Miyerkoles, batay sa AFP tally mula sa mga anunsyo ng Iranian authorities.
Tumunog ang air raid alerts sa Bahrain, kung saan sinabi ng militar na nasabat nito ang ilang Iranian projectile. Iniulat naman ng Kuwait na naharang nito ang “hostile aerial targets,” habang sinabi ng Jordan na apat na Iranian missile ang kanilang nasabat.
Iginiit ng Iran na mga interes lamang ng US sa Gulf ang kanilang tinatarget. Gayunman, nagbabala ang spokesperson ng Iranian military command na ituturing na “an act of war” ang anumang pakikipagtulungan ng mga bansa sa Gulf sa Estados Unidos.
Nagpahayag naman si United Nations Secretary-General Antonio Guterres ng “deep concern” sa lumalalang tensyon sa rehiyon at sa mga pag-atake ng magkabilang panig. Dave Baluyot