BAGUIO CITY – Tatlong dayuhan ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na operasyon sa Luzon at Visayas dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga naaresto na sina Henri Joel Atanga Betayene, 35-anyos na Cameroonian; Murat Fentci, 53-anyos na Turkish national; at Mario Angelai, 60-anyos na Italian national.
Isinagawa ang mga operasyon noong Hulyo 1 at 2 ng mga operatiba ng BI Intelligence Division at Regional Intelligence Operations Units sa Cainta, Rizal; Sagbayan, Bohol; at Baguio City.
Naaresto si Betayene sa isang subdivision sa Cainta matapos mapatunayan ng BI na lampas na sa pinahihintulutang panahon ng kanyang pananatili sa Pilipinas.
Samantala, dinakip naman si Fentci sa Barangay Canmaya Diot, Sagbayan, Bohol matapos ding matuklasang nag-overstay siya sa bansa.
Sa Baguio City naman, inaresto si Angelai matapos mahuling nagtatrabaho bilang chef sa isang lokal na restaurant kahit tourist visa lamang ang hawak nito at walang kaukulang work visa o permit.
Ayon kay Viado, bukas ang Pilipinas sa mga dayuhan ngunit dapat nilang igalang at sundin ang umiiral na batas sa imigrasyon.
Binigyang-diin niya na ang mga dayuhang nag-o-overstay, nagtatrabaho nang walang tamang visa, o lumalabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa ay haharap sa pag-aresto at deportation.
Pinuri rin ng BI chief ang Intelligence Division at mga regional operatives sa patuloy na pagpapalawak ng intelligence-driven operations sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang matukoy at madakip ang mga dayuhang lumalabag sa batas sa imigrasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Bureau of Immigration ang tatlong dayuhan para sa booking at dokumentasyon habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang deportation proceedings laban sa kanila. Jay Reyes