MALAYBALAY, Bukidnon — Sugatan ang isang 21-anyos na lalaki matapos umano siyang saksakin ng kaniyang 16-anyos na kaibigan dahil hindi nito napagbigyan ang hiling na sigarilyo sa Purok 9, Barangay Managok, Malaybalay City, noong Sabado ng gabi, Hulyo 11.
Ayon sa Malaybalay City Police Station, nagkita ang dalawa sa isang tindahan at videokehan bago ang pananaksak dakong alas-11 ng gabi.
Humingi umano ng sigarilyo ang menor de edad, ngunit tumanggi ang biktima dahil wala itong maibigay.
Nang paalis na ang biktima kasama ang iba pang kaibigan mula sa isang billiard hall, bigla umano siyang nilapitan at sinaksak ng suspek gamit ang kutsilyo.
Isinugod ng mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team ang biktima sa Bukidnon Provincial Medical Center, kung saan patuloy siyang ginagamot at nasa stable na kondisyon.
Agad namang isinuko ng mga barangay tanod ang suspek sa Malaybalay City Police. Nasa kustodiya na siya ng Women and Children Protection Desk.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Malaybalay Police Office sa insidente. Nanawagan din ang pulisya sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa komunidad. Mary Anne Sapico