NEGROS ORIENTAL, Philippines – Magsasagawa ang Negros Oriental Police Provincial Office (NOrPPO) ng active shooter at bomb threat drills sa mga paaralan upang ihanda ang mga estudyante, guro, at kawani sa mga posibleng emerhensiya.
Ayon kay Capt. Stephen Jaynard Polinar, layunin ng pagsasanay na maturuan ang mga paaralan ng tamang pagtugon sa mga insidente ng pamamaril at banta ng bomba.
Isasagawa ito matapos ang bomb threat sa Silliman University sa Dumaguete City noong nakaraang linggo at isa pang banta sa social media na nagsabing may mga bomba sa mga paaralan sa San Carlos City, Negros Occidental.
Pinalakas na rin ng pulisya ang seguridad sa pamamagitan ng mas madalas na pagroronda at pakikipag-ugnayan sa mga barangay, lalo na sa oras ng pasok, tanghalian, at uwian.
Hinihintay pa ng NOrPPO ang opisyal na gabay mula sa pambansang pamunuan ng PNP upang maging pare-pareho ang pagpapatupad ng mga drills sa buong bansa.
Tiniyak din ng pulisya na sapat ang kanilang mga tauhan at maaari silang humingi ng suporta mula sa Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines kung kinakailangan. RNT/MDS