MANILA, Philippines – Inaresto ng Manila Police District (MPD) ang isang 31-anyos na barker na hinihinalang responsable sa viral na pag-agaw ng cellphone ng isang pasahero ng jeep sa Osmeña Highway, Pandacan, Maynila noong Hulyo 14.
Nahuli ang suspek na kilala lamang sa alyas na “Jayson” sa isinagawang operasyon laban sa mga ilegal na barker at sagabal sa kalsada.
Sa isinagawang imbestigasyon, natukoy ng pulisya na siya rin ang nasa viral video ng insidente ng pagnanakaw ng cellphone.
Sa tulong ng cyber patrol, natunton ng mga awtoridad ang nag-upload ng video, pati ang may-ari ng jeep at ang biktima. Nakipagtulungan ang biktima sa pulisya at positibong kinilala ang suspek.
Nabawi rin ng mga awtoridad ang ninakaw na cellphone. Nagpasalamat ang biktima, isang jeepney helper mula sa Quezon, sa mabilis na aksyon ng MPD.
Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang ipinagpapatuloy ng pulisya ang kampanya laban sa krimen sa lansangan sa Maynila. RNT/MDS