MANILA, Philippines – Patay ang isang motorcycle taxi rider matapos saksakin ng kanyang pasahero bago tinangay ang kanyang motorsiklo sa Caloocan City, Martes ng madaling araw.
Hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center ang MC rider na si alyas “Norberto”, 46, sanhi ng tinamong tama ng saksak sa tagiliran habang nadakip naman ang suspek na si alyas “Jeffrey”, 43, matapos muling mangholdap ng grab driver sa Malabon City.
Sa nakarating na ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, angkas ng biktima ang suspek sa kanyang motorsiklo at pagsapit ng mga ito sa Block 10, Talangka St. Brgy. 20, Caloocan City dakong alas-2:55 ng madaling ay biglang tinarakan sa tagiliran ng salarin ang rider.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek tangay ang motorsiklo ng biktima na nagawa pang makatakbo patungong Tanigue Street kung saan siya natagpuan ng mga Tanod ng Brgy. 18, na nagsugod sa kanya sa nasabing pagamutan.
Samantala, pagsapit ng suspek sa Dulong Borromeo Proper, Brgy. Longos, Malabon City bandang alas-4:30 ng madaling araw, hinoldap naman niya ang grab driver na si alyas “Jhamel”, 21, at sapilitang kinuha ang kanyang cellphone subalit nanlaban ang biktima.
Nagsisigaw na humingi ng tulong si ‘Jhamel’ sa mga bystander sa lugar na silang humabol sa suspek hanggang sa masukol sa tinakbuhang dead-end na eskinita kung saan siya kinuyog at pinagbubugbog bago i-turn over sa mga nagrespondeng tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5.
Nabawi sa suspek ang tinangay na cellphone kay ‘Jhamel’, pati na ang ice pick na gamit sa pananaksak at ang NMax motorcycle na tinangay niya sa nasawing biktima. (Merly Duero)