MANILA, Philippines – Nanawagan si House impeachment adviser at spokesperson Robert Ace Barbers sa publiko na manatiling nakatutok sa mga ebidensyang inihaharap sa Impeachment Court, sa halip na maaliw sa mga usapin ukol sa clerical error sa mga dokumento ng imbestigasyon.
Ayon kay Barbers ang proseso ang dapat magpasya batay sa mga katotohanan at sa Konstitusyon at hindi sa mga sinasabing typographical imperfection.
“Hindi po spelling contest ang impeachment trial,” ani Barbers. “Ang tanong ay hindi kung may typo. Ang tanong ay kung naapektuhan ba nito ang ebidensiya.”
“Hindi nagbabago ang katotohanan dahil lamang sa isang maling spelling o clerical error,”giit nito.
Ipinaliwanag ni Barbers na bagamat tungkulin ng mga ahensya ng gobyerno na maghanda ng tumpak na mga ulat, may iba’t ibang legal significance ang bawat uri ng discrepancy o pagkakaiba sa dokumento.
“Paperwork should be accurate. But paperwork is not the evidence. If the alleged discrepancies are merely clerical or typographical, they should not automatically be treated as defects in the evidence or in the findings of the investigation,” paliwanag ni Barbers.
“The recordings and other evidence presented before the Impeachment Court stand on their own. Questions about the preparation of investigative documents should not be confused with the evidence itself. Those are separate matters and must be evaluated separately,” dagdag pa nito.
Harapin ang testimonya ng NBI, wag magtago sa typo
Hinamon naman ni Deputy Speaker at La Union Rep Paolo Ortega ang defense team ni VP Duterte na direktang sagutin ang mga sinumpaang testimonya at investigative findings ng National Bureau of Investigation (NBI) sa halip na ituring na pinal na tagumpay ang mga nakitang typographical at clerical error sa mga dokumento.
“The defense has every right to question every date, entry and document presented before the court. But after pointing out those mistakes, it must still answer the testimony and the evidence behind it,” diin ni Ortega.
“Kung may maling entry, dapat itama at ipaliwanag. Pero hindi nawawala ang findings ng NBI dahil lamang may mali sa pag-type ng isang dokumento,” dagdag pa nito.
Ipinaliwanag din ng mambabatas na nagiging “material” o mahalaga lamang ang isang clerical error kung nababago nito ang katotohanan, naaapektuhan ang kredibilidad ng ebidensya, o kung nahihirapan ang nasasakdal na sagutin ang paratang dahil dito.
“A typo is not meaningless, but neither is it automatically fatal to the case. The defense must establish what the error changed and why that change should affect the court’s appreciation of the evidence,” paliwanag pa nito.
Nasa video ang banta
Iginiit ni Deputy Speaker Jay Khonghun na hindi mabubura ng kahit anong pagkakamali sa papel ang mga binitiwang salita na mismong narekord sa video.
“Itama ang typo, pero huwag babalewalain ang isyu. Hindi nabubura ng maling entries sa dokumento ang mga sinabi sa video, ang testimonya at ang findings na ipinaliwanag under oath,” giit ni Khonghun.
Paliwanag pa ni Khonghun, bagamat nararapat lamang na itama at ipaliwanag ang mga clerical errors, hindi ito sapat na dahilan para sabihing peke o walang katotohanan ang buong imbestigasyon o ang mismong video recordings.
Sa huli, sinabi ni Khonghun na ang bigat ng cross-examination ay hindi sinusukat sa dami ng nakitang typo kundi kung nagawa ba nitong pahinain ang mismong ebidensya ng taga-usig.
“Matapos ang mahabang cross-examination, naroon pa rin ang mga video at naroon pa rin ang NBI findings. The defense has questioned the paperwork, but it has yet to make the evidence disappear,” pagtatapos ni Khonghun. Gail Mendoza