Home NATIONWIDE Kampanya ng Estados Unidos laban sa ICC, wala sa kontrol ng gobyerno...

Kampanya ng Estados Unidos laban sa ICC, wala sa kontrol ng gobyerno ng Pilipinas – Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – Hindi makikialam ang gobyerno ng Pilipinas sa kampanya ng Estados Unidos laban sa International Criminal Court (ICC) partikular na ang ihiwalay ang Hague-based institution at gutumin ito sa political at financial support.

“The policies of the United States are not within the Philippine government’s control,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Ang komento na ito ng Malakanyang ay tugon sa inilunsad ng administrasyon ni US President Donald Trump na kampanya upang higit pang ihiwalay ang ICC.

Kasabay ng paninindigang hindi nito kinikilala ang kapangyarihan ng hukuman na imbestigahan o usigin ang mga mamamayan at opisyal ng Estados Unidos.

Ayon kay US Secretary of State Marco Rubio, nagsusulong ang administrasyon ng iba’t ibang hakbang laban sa ICC, kabilang ang travel bans, visa revocations, karagdagang sanctions laban sa mga opisyal ng korte, at diplomasiyang hihikayat sa ibang bansa na umatras sa pagiging kasapi ng ICC.

Iginiit ni Rubio na hindi papayagan ng Estados Unidos na magamit ang ICC laban sa mga sundalong Amerikano at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng komento ang ICC kaugnay sa hakbang ng administrasyong Trump.

Matatandaang matagal nang tinututulan ng Estados Unidos ang hurisdiksyon ng ICC at hindi ito naging kasapi ng nasabing internasyonal na hukuman.

Sa kabila nito, pinanindigan ng administrasyong Marcos na ang bansa ay mayroong ‘residual obligations’ sa di umano’y krimen na ginawa ni Duterte at kanyang mga co-perpetrators nang ang ICC ay mayroon pang hurisdiksyon.

Makailang ulit namang ipinanawagan ng Malakanyang ang Seksyon 17 ng Republic Act No. 9851, o “Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity,’ na nagbigay mandato sa pakikipagtulungan ng gobyerno kabilang na ang pagsuko sa isang akusado sa international tribunals gaya ng ICC.

Habang makailang ulit na binasura ni Pangulong Marcos na ikonsidera ang muling pagsali sa ICC, “cooperation with the tribunal remains relevant, as requests for assistance could affect ongoing proceedings and the Philippines’ compliance with its international legal obligations.” (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here