MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Malakanyang na nakalipad na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa 3 -day working visit sa Singapore mula Hulyo 14 hanggang 16.
Sa katunayan, sa text message ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sinabi nito na sakay ang Pangulo sa RPP001, at umalis ang eroplano ng 5:27 ng hapon para sa Changi airport.
Nauna rito, sinabi ni Castro na magiging bahagi ng biyahe ng Pangulo ang pagsusulong ng mas matatag na bilateral relations ng Pilipinas at ng Singapore na susunod na ASEAN Chair.
Kasama sa itinerary ng Chief Executive ang courtesy call kay Singapore Prime Minister Lawrence Wong na dito ay mapag uusapan ang kooperasyon sa larangan ng trade and investment, environment and health at regional and global development.
May partisipasyon din ang Pangulo sa round table discussion kasama ang mga business leaders.
Samantala, ang meeting ng Pangulo sa lider ng mga negosyante sa Singapore ay magaganap kasunod ng pagkilala sa Pilipinas bilang Upper Middle income country. (KRIS JOSE)