Home METRO Mga kawani ng gobyerno, nagprotesta sa DBM para sa dagdag-sahod, seguridad sa...

Mga kawani ng gobyerno, nagprotesta sa DBM para sa dagdag-sahod, seguridad sa trabaho

1
0

MANILA, Philippines — Nagsagawa ng lunchtime picket protest sa harap ng Department of Budget and Management (DBM) sa Quiapo, Maynila ang mga kawani ng gobyerno, guro, health workers, at mga contractual workers upang igiit ang kanilang mga panawagang pang-ekonomiya.

Pinangunahan ang kilos-protesta ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Workers (COURAGE), Alliance of Concerned Teachers (ACT), Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon (KALAKON), Alliance of Health Workers (AHW), at Filipino Nurses United.

Kabilang sa kanilang mga kahilingan ang dagdag-sahod, mas mataas at mas malawak na saklaw ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA), at katiyakan sa trabaho lalo na para sa mga contractual at contract of service workers na maaapektuhan umano ng optimization law.

Ayon kay COURAGE President Santiago Y. Dasmariñas Jr., patuloy na nababawasan ang tunay na halaga ng sahod ng mga kawani ng gobyerno dahil sa mataas na inflation, pagtaas ng presyo ng langis, mga pangunahing bilihin, tubig, at kuryente.

Samantala, sinabi ni ACT Chairperson Ruby Bernardo na nakalulungkot umanong ang mga tunay na naglilingkod sa publiko ang unang naaapektuhan ng mga hakbang ng pamahalaan, habang nananatili sa puwesto ang ilang matataas na opisyal na may malalaking sahod at benepisyo sa kabila ng mga alegasyon ng katiwalian.

Layunin ng mga nagprotesta na makuha ang suporta ng DBM sa kanilang mga panawagan. Inihayag din nilang maglulunsad pa sila ng iba pang pagkilos at lalahok sa malawakang protesta sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27 upang igiit ang dagdag-sahod, mas matatag na trabaho, at mga repormang tutugon sa suliraning pangkabuhayan at katiwalian. DANNY QUERUBIN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here