COTABATO, Philippines – Naaresto sa isang police-military checkpoint sa Cotabato City ang suspek na pumatay sa isang tricycle driver at ikinasugat ng isang pulis ilang oras matapos ang pamamaril.
Kinilala ang suspek na si alias “Jamir,” 29, na taga-Kalamansig, Sultan Kudarat.
Ayon kay Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, inamin ni Jamir na target niyang patayin si Police Cpl. Titing Kauring dahil pinaghihinalaan niyang may relasyon ito sa kanyang asawa. Itinanggi naman ito ng pulis.
Noong Hulyo 12, binaril ni Jamir si Kauring habang sakay ito ng motorsiklo. Tinamaan ng ligaw na bala ang tricycle driver na si Nasser Gapor, na namatay, habang nasugatan din ang isang batang pasahero.
Naaresto si Jamir noong Lunes matapos siyang mapahinto sa checkpoint dahil walang plaka ang kanyang motorsiklo. Narekober din sa kanya ang isang .45 caliber na baril na walang lisensya.
Nahaharap siya sa kasong murder, frustrated murder, at illegal possession of firearm. RNT/MDS