Home NATIONWIDE Abogada, paralegal arestado sa umano’y P1-M extortion sa kliyente

Abogada, paralegal arestado sa umano’y P1-M extortion sa kliyente

3
0

MANILA, Philippines – Inaresto ng National Bureau of Investigation ang isang abogada at kanyang paralegal sa Taguig City dahil sa umano’y tangkang pangingikil ng P1 milyon mula sa magkapatid nilang kliyente gamit ang banta mula sa sinasabing mga sindikato.

Naaresto ang dalawa nitong Biyernes sa entrapment operation ng NBI Organized and Transnational Crimes Division matapos magsampa ng robbery-extortion at cybercrime complaints ang magkapatid na itinago sa mga pangalang Roxy at Sam.

Ayon kay Roxy, humingi sila ng legal na tulong sa abogada noong huling linggo ng Mayo upang magsagawa ng legal na hakbang laban sa dating Chinese business partner ni Sam.

Noong Hulyo 5, sinabi umano ng paralegal, na kinumpirma rin ng abogada, na kabilang ang magkapatid sa hit list ng mga sindikato at may tig-P1 milyong bounty sa kanilang mga ulo. Sinabi rin umano ng grupo ng abogada na mayroon silang kontak sa mga sindikato.

Unang naglipat ang magkapatid ng P100,000 sa paralegal upang umano’y makaiwas sa banta, ngunit humingi pa ito ng karagdagang P300,000.

“As of now, we are not accusing anyone. We are here simply to turn the matter over to the NBI for further investigation. Whether the allegations are true or not is something they will determine through their investigation. Right now, I am just hearing all of this,” ani alias Roxy.

Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na magiging bahagi ng ebidensiya ang entrapment operation, ang pagtanggap sa marked money at ang testimonya ng mga kliyente.

Nananatili sa kustodiya ng NBI ang abogada at kanyang paralegal matapos sumailalim sa inquest proceedings. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here