Home HOME BANNER STORY Pastor arestado sa 12 bilang ng statutory rape sa Pasig

Pastor arestado sa 12 bilang ng statutory rape sa Pasig

3
0

MANILA, Philippines – Inaresto sa Pasig City ang isang 39-anyos na pastor dahil sa 12 bilang ng statutory rape na umano’y ginawa niya sa isang menor de edad na miyembro ng music ministry ng kanilang simbahan.

Ayon sa Pasig City Police, nagaganap umano ang pang-aabuso sa loob ng simbahan tuwing Sabado matapos ang ensayo ng choir.

“Itong biktima na ito, member ng choir ng kanilang sekta at tuwing Sabado… every after ‘yung practice ng choir na ‘to ay dun nangyayari ang rape… sa loob ng kanilang simbahan,” pahayag ni Pasig Police Chief P/Col. Hendrix Mangaldan.

Ang ama ng biktima, na miyembro rin ng simbahan, ang nagsampa ng reklamo laban sa pastor.

Sinabi ng pulisya na ang nakatatandang kapatid na babae ng biktima ang unang nakatuklas sa umano’y relasyon nito sa suspek at pinayuhan siyang lumayo rito.

Nakita rin umano ng mga imbestigador sa cellphone ng biktima ang kanilang mga mensahe.

“Sa cellphone ng biktima, nakita dun ‘yung mga palitan ng sweet and loving messages,” ani Mangaldan.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang mga alegasyon. Itinanggi rin niyang sa loob ng simbahan nangyari ang sinasabing krimen.

“’Yung isang pintuan doon, diretso ‘yun sa palengke… pwede siya sumigaw dun kung totoo ang sinasabi niya marahil dahil naging close kami, or magkakilala kami,” pahayag ng suspek.

“Sa totoo lang po ‘yung sinasabi nila na hustisya na kanila pong hinahanap, hindi ko po alam kung bakit at kung saan. Hindi ito totoo,” dagdag niya.

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga magulang at guardian na panatilihing bukas ang komunikasyon sa kanilang mga anak upang maging komportable ang mga itong magsumbong ng anumang problema o pang-aabuso. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here