MANILA, Philippines – Kinondena ngayon ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang ‘no disconnection policy’ ng Energy Regulatory Commission’s (ERC) pagkatapos ng July 31.
Giit pa ng kongresista na ang “no disconnection policy” ng ERC bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng kuryente na ipinapataw ng Meralco ay maituturing na temporary lamang o “band aid” solution.
“Band-aid solution lang ang pagpapalawig ng no disconnection policy. Na-de-delay lang ang problema pero hindi ito nalulutas. Sa huli, kailangan pa ring bayaran ng mga konsumer ang mga sobra-sobrang singil na ipinapataw sa kanila.”
Ayon kay Elago ang “no disconnection policy” ay hindi nangangahulugan na ikabubura ito ng utang o electric bills.
“Hindi naman nabubura ang utang. Naiipon lang ito habang patuloy na tumataas ang singil sa kuryente. Maraming pamilya na ang hirap pagkasyahin ang kanilang kita para sa pagkain, upa, at iba pang pangunahing pangangailangan. Hindi makatarungang ipagpaliban lang ang pasanin sa halip na bawasan o tanggalin ito,” banggit pa ng kongresista.
Kamakailan lamang ay naghaing ang Gabriela Women’s Party ng House Resolution 1189 upang imbestigahan ang mga ulat ukol sa sobrang singil sa kuryente dahil sa maling pagbasa sa mga metro ng kurtyente at kawalang ng proteksyon ng consumers mula sa ERC.
“Ang tunay na proteksyon sa mga konsyumer ay hindi ang pagpapalawig ng no disconnection policy. Ang mahalagang hakbang tungo sa tunay na pagresolba ng problema ay ang pagpigil sa labis na singil at pagtiyak na hindi pinapasan ng taumbayan ang tubo ng malalaking pribadong kumpanya. Dapat mas paigtingin ng gobyerno ang regulasyon sa power sector at tiyaking napapanagot ang mga pribadong power utility. Ang kuryente ay batayang serbisyo at hindi negosyo,” binigyang diin pa ni Elago. Meliza Maluntag