Home NATIONWIDE Koreanong wanted ng Interpol sa ilegal online gambling, arestado sa NAIA

Koreanong wanted ng Interpol sa ilegal online gambling, arestado sa NAIA

3
0

MANILA, Philippines — Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 52-anyos na Korean national na wanted ng Interpol dahil sa umano’y pagpapatakbo ng malaking ilegal na online gambling syndicate, matapos itong matunton sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City habang papaalis ng bansa.

Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Cho Yungeon, na gumagamit din ng alyas na Cho Min, na naaresto noong Hulyo 15 sa isinagawang operasyon ng BI-Fugitive Search Unit (FSU), katuwang ang South Korean authorities, Philippine National Police-Interpol Group (PNP-IG), at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Ayon kay FSU Chief Rendel Ryan Sy, nag-ugat ang operasyon sa intelligence information na ibinahagi ng South Korean authorities na humiling ng tulong upang matunton ang pugante.

Nahaharap si Cho sa arrest warrant na inilabas ng Busan District Court dahil sa umano’y pagpapatakbo ng ilegal na online gambling website mula sa Makati City simula Enero 2024.

Batay sa imbestigasyon, tumatanggap umano ang sindikato nito ng pustahan sa lokal at internasyonal na sporting events, nagpo-proseso ng online deposits, nagbabayad ng panalo batay sa betting odds, at nag-aalok din ng casino games gaya ng baccarat. Dahil dito, nagpalabas ang Interpol ng Red Notice laban sa kanya.

Lumabas din sa rekord ng BI na pumasok si Cho sa Pilipinas noong 2019 gamit ang Cambodian passport sa pangalang Cho Min. Gayunman, sa pamamagitan ng biometric verification ay nakumpirmang siya rin ang Korean national na si Cho Yungeon na pinaghahanap ng Interpol.

Binigyang-diin ni Viado na hindi magiging kanlungan ng mga international fugitive at cybercriminal ang Pilipinas.

Aniya, ang sinumang gagamit ng pekeng pagkakakilanlan upang makaiwas sa batas ay matutunton, maaaresto, at mapapaalis ng bansa sa tulong ng mahigpit na koordinasyon sa mga international law enforcement agencies.

Kasalukuyang nakapiit si Cho sa BI Warden Facility habang isinasailalim sa deportation proceedings. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here