Home NATIONWIDE 30-taong infrastructure master plan, pinag-aaralan ng Senado

30-taong infrastructure master plan, pinag-aaralan ng Senado

7
0

MANILA, Philippines — Sinimulan ng Senate Committee on Economic Affairs ang pagtalakay sa mga panukalang magtatatag ng 30-taong Comprehensive Infrastructure Development Master Plan (CIDMP) upang mapabuti ang pagpaplano at paggastos sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng komite, layunin ng panukala na maiwasan ang mga hindi planado, hindi kinakailangan, at iregular na proyekto, kabilang ang mga kontrobersyal na flood control projects.

Ang mga panukala nina Senators JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Erwin Tulfo, at Senate President Sherwin Gatchalian ay naglalayong magtakda ng pamantayan at prayoridad sa malalaking proyekto, iugnay ang infrastructure planning sa pambansang badyet, at linawin ang tungkulin ng mga ahensya ng pamahalaan.

Gayunman, sinabi ni Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) Assistant Secretary Roderick Planta na halos kapareho na ng mga panukala ang mga probisyon ng Republic Act No. 12145 o Economy, Planning and Development Act.

Ipinaliwanag niyang inaatasan na ng batas ang mga ahensya ng imprastraktura na magsumite ng kanilang sectoral plans para sa pagbuo ng CIDMP. Mayroon ding Executive Order No. 72, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2024, na nag-uutos ng iisang proseso sa pagpaplano, pagpopondo, pagpapatupad, at pagsubaybay sa mga infrastructure master plan.

Sinabi ni Hontiveros na pag-aaralan ng komite kung paano mapapalakas ng panukala ang mga umiiral nang mekanismo sa ilalim ng batas at executive order.

Ayon naman kay Sen. Erwin Tulfo, mahalagang maisabatas ang master plan upang hindi magbago ang mga prayoridad sa imprastraktura sa tuwing may bagong administrasyon. Aniya, makatutulong ito upang maiwasan ang pag-uulit ng mga proyekto, mabawasan ang pagkaantala, mapalakas ang pananagutan, at matiyak ang tuloy-tuloy na pagpapatayo ng mahahalagang imprastraktura.

Samantala, sinabi ng DepDev na target nitong matapos ang paunang draft ng National Infrastructure Planning Framework bago matapos ang 2026, habang inaasahang makukumpleto ang CIDMP bago matapos ang 2027. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here