Home METRO DSWD-7, nakapagtala ng 28 kaso ng human trafficking, online child exploitation sa...

DSWD-7, nakapagtala ng 28 kaso ng human trafficking, online child exploitation sa Central Visayas

1
0

CEBU CITY, Philippines — Nakapagtala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 7 ng 28 kaso ng trafficking in persons (TIP) at online sexual abuse o exploitation of children (OSAEC) sa Central Visayas mula Enero hanggang Hunyo 2026.

Ayon sa DSWD-7, kabilang sa mga naitala ang 21 kaso ng human trafficking at pitong kaso ng OSAEC na tinutugunan sa ilalim ng Recovery and Reintegration Program for Trafficked Persons.

Sa 21 kaso ng human trafficking, 12 biktima ay lalaki at siyam ay babae. Samantala, sa pitong kaso ng OSAEC, dalawa ang lalaking biktima at lima ang babae.

Nakibahagi rin ang DSWD-7 sa dalawang rescue operation sa Cebu City kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

Noong Mayo 11, apat na babae ang nasagip sa isang umano’y prostitution operation sa Barangay Camputhaw. Noong Mayo 24 naman, dalawang menor de edad na lalaki, edad 10 at 15, ang nailigtas mula sa condominium unit ng isang dayuhan sa Barangay Mabolo matapos makatanggap ng ulat ang DSWD sa trafficking helpline nito.

Matapos ang rescue operations, sumailalim ang mga biktima sa case profiling, counseling, psychosocial intervention, family therapy, at iba pang mental health services bago ilagay sa protective facilities ng DSWD.

Maaari rin silang maisama sa iba’t ibang programa ng pamahalaan tulad ng Sustainable Livelihood Program, Walang Gutom Program, at Pag-abot Program upang matulungan ang kanilang pangmatagalang kabuhayan at pagbabalik sa komunidad.

Hinikayat ng DSWD-7 ang publiko na agad iulat ang mga hinihinalang kaso ng human trafficking sa TIP Helpline 0917-703-0967 at ang mga kaso ng karahasan laban sa mga bata sa MAKABATA Helpline 1383.

Ayon kay DSWD-7 Regional Director Shalaine Marie Lucero, mahalaga ang maagap na pag-uulat upang maprotektahan ang mga posibleng biktima at mapanagot ang mga sangkot sa ganitong uri ng krimen. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here