MANILA, Philippines – Mas simple at mas mababa ang gastos sa paghahanda ng House of Representatives para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27, ayon kay House Sergeant-at-Arms Ferdinand Melchor Dela Cruz.
Ayon kay Dela Cruz, binawasan ang mga paghahanda at gastusin kumpara sa mga nakaraang taon dahil sa kasalukuyang krisis.
“If we compare it from previous, ito, medyo parang tinone down actually ‘yung pagdating sa mga preparations… Pagdating sa well, ‘yung, expenditures,” aniya.
“Siguro ‘yun sa tawag din ng ating mga measures dahil din sa crisis na nangyayari,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni House Secretary General Cheloy Garafil na tugma ang House at Malacañang sa layuning gawing simple ngunit marangal ang SONA, alinsunod sa direktiba ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Wala ring red carpet ngayong taon at hinikayat ang mga babaeng mambabatas at panauhin na magsuot lamang ng simpleng Filipiniana at hindi ng gown.
“We asked all the lady congs and all the guests na ano lang, simple Filipiniana dress. Hindi nga gown,” ani Garafil.
Dagdag pa niya, “I think we’re in the same page naman na dapat ano lang– lowkey. Pero very dignified pa rin naman.”
Ayon kay Garafil, mas mababa ang budget ng SONA ngayong taon kumpara noong nakaraan.
Inaasahan namang magbabantay ang humigit-kumulang 22,000 pulis para sa seguridad ng SONA, habang tinatayang 1,800 panauhin ang dadalo sa loob ng Plenary Hall. RNT/MDS