MANILA, Philippines – Nagbigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ₱10,000 na financial assistance at dalawang family food packs sa pamilya ng 15-anyos na binatilyo na nasawi matapos saksakin ng isa ring menor de edad sa Sampaloc, Maynila nitong Martes.
“Ang DSWD ay nakikiramay sa pagkasawi ng isang menor de edad na nasaksak ng isang child in conflict with the law (CICL) sa Sampaloc nitong nakaraang Martes. Nagbahagi ng PHP10,000 financial assistance at dalawang family food packs ang DSWD-NCR bilang paunang tulong sa pamilya ng biktima,” ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi ang biktima kasama ang tatlo niyang menor de edad na pinsan nang hamunin sila ng grupo ng mga kabataan ng suntukan. Hindi sila pumatol, ngunit hinabol umano sila ng grupo hanggang sa magkaroon ng komprontasyon.
Sa kaguluhan, umano’y bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak sa leeg ang biktima. Nakatakbo pa ito ngunit kalaunan ay natagpuang walang malay. Isinugod siya sa Ospital ng Sampaloc kung saan idineklarang dead on arrival.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DSWD-NCR sa pamilya ng biktima at magbibigay ng psychosocial support sa tatlo nitong pinsan na nakasaksi sa insidente.
Sinabi rin ni Dumlao na titiyakin ng ahensya na masusunod ang lahat ng legal at administratibong proseso sa kaso ng child in conflict with the law (CICL).
“Sinisigurado po namin na lahat ng (We ensure that) duty-bearers, kabilang na ang (including) law enforcement units, ay susunod sa mga (will follow) existing protocols and procedures alinsunod sa (in accordance with the) Juvenile Justice and Welfare Act, as amended,” aniya. RNT/MDS