MANILA, Philippines – Mariing kinondena ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang China Daily dahil sa paglalathala nito ng AI-generated videos at editorial cartoons na nagpapakita sa mga Pilipino bilang mga unggoy kaugnay ng 2016 South China Sea Arbitral Award.
Sa pahayag ng DFA noong Huwebes, Hulyo 16, sinabi nitong lumampas na sa lehitimong talakayang pampulitika ang inilathalang video ng state-run media ng China, kabilang ang ipinost nito sa Facebook noong Hulyo 10, dahil sa “blatantly demeaning, dehumanizing, and racist depictions of Filipinos.”
“The Philippines has consistently rejected false narratives and distortions regarding the Arbitral Award and the Philippines’ lawful positions in the South China Sea. But we draw a firm line at the depiction of Filipinos as monkeys in the 10 July 2026 video, which is deeply offensive, distressing, and unacceptable,” ayon sa DFA.
Iginiit din ng ahensya na ang hindi pagkakasundo sa mga usaping legal at pulitikal ay hindi dahilan upang gumamit ng mapanlait at nakaaalarmang imahe, at wala itong lugar sa maayos na pampublikong diskurso.
Hiniling ng Pilipinas na agad tanggalin ang naturang materyal at itigil ang paglalathala ng mga kahalintulad na nilalaman.
“The Philippines demands that the offensive material be taken down, calls for the immediate cessation of such irresponsible content, and urges China to uphold dignity, respect, and truth in public discourse,” ayon pa sa DFA.
Ang video, na inilabas bago ang ika-10 anibersaryo ng Hulyo 12, 2016 arbitral ruling, ay nagpapakita ng unggoy na nakasuot ng barong Tagalog at salakot, na inuutusan ng mga karakter na kahawig ng Estados Unidos at Japan bago wisikan ng water cannon habang hawak ang arbitral award.
Patuloy na ipinaglalaban ng Pilipinas ang arbitral ruling bilang pinal at may bisa sa ilalim ng batas, sa kabila ng patuloy na pagtanggi ng China dito. Jocelyn Tabangcura-Domenden