MANILA, Philippines – Inaasahang muling lalakas ang southwest monsoon o habagat sa huling bahagi ng susunod na linggo dahil sa posibleng mabuo na low-pressure area (LPA) o bagyo sa silangan ng Luzon, ayon sa PAGASA.
Sa ngayon, umiiral ang monsoon break kaya karamihan sa bansa ay nakararanas ng maaliwalas na panahon.
Sa Hulyo 18 at 19, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Ilocos Region, Zambales, at Bataan dahil sa mahinang habagat. Ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maaliwalas na panahon, maliban sa mga pulu-pulong pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.
Mula Hulyo 20 hanggang 22, makaaapekto ang habagat sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao. Posibleng makaranas ng kalat-kalat na pag-ulan ang Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, Palawan, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, at BARMM.
Pagsapit ng Hulyo 23 at 24, maaaring palakasin ng posibleng LPA o bagyo ang habagat, na magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Palawan, Masbate, Sorsogon, at sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao.
Samantala, ang natitirang bahagi ng Luzon ay inaasahang magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may posibilidad ng pulu-pulong pag-ulan at pagkidlat-pagkulog. RNT/MDS