MANILA, Philippines – Posibleng humina pa ang halaga ng piso at umabot sa P63 kada dolyar sa mga susunod na buwan dahil sa muling paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan at inaasahang pagtaas ng demand sa mga inaangkat na produkto, ayon sa BMI, isang yunit ng Fitch Solutions.
Ayon sa ulat, inaasahang gagalaw ang piso sa pagitan ng P61 hanggang P63 kada dolyar at maaaring magsara ang taon sa P61 kada dolyar kapag bumaba ang presyo ng langis at dumami ang remittances ng mga OFW.
Sinabi ng BMI na nakadaragdag sa paghina ng piso ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis, dahil ang Pilipinas ay umaangkat ng karamihan sa suplay ng fuel. Nagdudulot ito ng mas mataas na import bill at mas malaking trade deficit.
Dagdag pa rito, nananatiling mahina ang pagpasok ng foreign direct investments (FDI), habang inaasahan ding magpapatuloy ang mataas na halaga ng US dollar dahil sa posibleng karagdagang pagtaas ng interest rates sa Estados Unidos.
Sa kabila nito, inaasahang bahagyang lalakas ang piso bago matapos ang 2026 dahil sa pagdami ng remittances sa huling bahagi ng taon.
Gayunman, binabalaan ng BMI na maaaring manatiling mahina ang piso hanggang 2027, dahil sa mabagal na pagpasok ng pamumuhunan at mga hamon sa pandaigdigang kalakalan. RNT/MDS