QUEZON, Philippines – Nasakote ang isang 48-anyos na lalaki nang makumpiskahan ng baril matapos na makumpirmang kabilang ito sa ninakaw sa tahanan ng isang retiradong heneral ng Philippine National Police sa lunsod ng Lucena, Quezon.
Ang suspek na naaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 na nakilala sa alyas Amanda, 48, lalaki, residente ng Siniloan, Laguna.
Nadakip ang suspek ng dakong alas- 8:00 ng gabi sa pamamagitan ng CCTV backtracking gayundin ang sasakyang ginamit ng suspek sa panloloob umano sa bahay ng retiradong PMaj. General.
Nabatid sa ulat na nagsagawa ang mga operatiba ng surveillance sa Barangay Gulang-Gulang Lucena City kung saan inaresto ang suspek at narekober ang isang Smith and Wesson caliber 38 revolver na umano ay pag- aari ng nasabing opisyal na ninakaw ng suspek.
Kasunod ng follow up operations ng pinagsanib na puwersa ng Lucena Component City Police Station, 2nd Quezon Provincial Mobile Force Companies at Quezon Provincial Intelligence Unit kung saan nabawi ang pitong ninakaw na armas sa bayan ng Infanta, Quezon at Alaminos, Laguna.
Kabilang sa nabawing baril ang pistol, revolver, rifle at isang Uzi Submachine gun na may kabuuang walo (8) na umano ay pag- aari ng retired General.
Samantalang pinuri ni PBGen Dominic L. Baccay Regional Director ng PRO4 CALABARZON ang masusing follow up investigation at operation sa pamamagitan ng CCTV backtracking na humantong sa pagkaaresto sa suspek at pagbawi sa mga ninakaw na baril.
Aniya, patunay ito sa dedikasyon ng kapulisan na walang humpay na pagtugis sa mga kriminal para panagutin sa batas.
“Pantay-pantay ang pagtugon ng PNP sa bawat biktima ng krimen. Mabilis ang aksyon, masusing imbestigasyon, at tiyak na pananagutan. Walang sinuman ang higit sa batas.” Dagdag ni PBGen Baccay. /Ellen Apostol