Home METRO Dagdag P50 arawang sahod, aprubado sa BARMM

Dagdag P50 arawang sahod, aprubado sa BARMM

3
0

MAGUINDANAO DEL NORTE, Philippines – Magkakaroon ng ₱50 dagdag sa arawang minimum na sahod ang mga manggagawa sa pribadong sektor sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos aprubahan ng Bangsamoro Tripartite Wages and Productivity Board (BTWPB) ang bagong wage order.

Ipatutupad ang dagdag-sahod sa dalawang yugto: ₱25 sa Agosto, sa pag-iral ng wage order, at ₱25 pa sa Disyembre 1.

Sa ilalim ng bagong wage rates, ang mga manggagawa sa non-agriculture sector sa Cotabato City ay tatanggap ng ₱436 kada araw sa unang yugto at magiging ₱461 pagsapit ng Disyembre 1.

Samantala, ang mga nasa agriculture at retail sector sa Cotabato City ay sasahod ng ₱411 sa unang yugto at ₱436 sa ikalawang yugto.

Ipinatupad din ng BTWPB ang iisang wage cluster para sa Cotabato City, Lamitan City, at Marawi City dahil magkahalintulad ang kanilang antas ng pamumuhay.

Saklaw ng dagdag-sahod ang lahat ng minimum wage earners sa pribadong sektor, maliban sa mga kasambahay, mga rehistradong Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) na may valid Certificate of Authority, at iba pang exempted sa ilalim ng batas.

Magkakabisa ang Wage Order No. BARMM-05 makalipas ang 15 araw mula sa paglalathala nito sa Bangsamoro Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon sa BARMM. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here