Home NATIONWIDE “Yes to Ayos” campaign ng MMDA, sinuportahan ng Pasay LGU

“Yes to Ayos” campaign ng MMDA, sinuportahan ng Pasay LGU

3
0

MANILA, Philippines – Nakibahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Pasay sa paglulunsad ng kampanyang “Yes to Ayos” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang muling pagpapatibay sa pangako nitong isulong ang disiplina sa araw-araw bilang mahalagang pundasyon ng pangangalaga sa kalikasan at mga hakbang laban sa pagbaha.

Ang paglulunsad ng nabanggit na kampanya ay isinagawa nitong Huwebes, Hulyo 16, sa Timoteo Paez Elementary School na dinaluhan ng mga opisyal mula sa pambansa at lokal na pamahalaan, gayundin ng mga lider ng komunidad. Sama-sama silang nanumpa na itaguyod ang kaayusan, kalinisan, at responsableng pagiging mamamayan.

Para sa Lungsod ng Pasay, kaakibat ng kampanyang ito ang patuloy nitong mga programa laban sa maling pagtatapon ng basura na bumabara sa mga daluyan ng tubig at nagdudulot ng pagbaha.

“Responsibilidad ito ng bawat isa sa atin habang sama-sama nating pinangangalagaan ang ating mga lansangan at pinoprotektahan ang ating lungsod, kalikasan, at higit sa lahat, ang ating kapwa Pasayeño,” ayon kay Pasay City Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano. “Sa huli, iisa ang ating hangarin—ang maisakatuparan ang ating malaking bisyon na maging isang matalino at napapanatiling EcoCity.”

Patuloy na nagpapakilos ang Lungsod ng Pasay ng libu-libong boluntaryo para sa mga coastal at estero cleanup activities. Kabilang dito ang kamakailang pagpapatupad ng “Adopt-an-Estero/Waterbody Program,” na nakatuon sa rehabilitasyon ng Libertad Channel—isa sa mahahalagang daluyan ng tubig sa lungsod at kritikal sa mga programa nito laban sa pagbaha at sa pagpapabuti ng kalidad ng tubig sa baybayin.

Kasabay nito, isinusulong din ng lungsod ang mas matibay na pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa pamamagitan ng mga panukala tulad ng pagpapatupad ng iisang “No Segregation, No Collection” na polisiya sa buong rehiyon, gayundin ang pagsasagawa ng compliance audit sa mga lokal na pamahalaang saklaw ng Continuing Mandamus ng Korte Suprema para sa rehabilitasyon ng Manila Bay, upang higit pang mapalakas ang pagpapatupad ng mga batas sa solid waste management.

Binigyang-diin naman ni Pasay City (Lone District) Representative Antonino Calixto na nagsisimula ang pangangalaga sa kalikasan sa bawat mamamayan.

“Kapag ang bawat mamamayan ay naging mahusay at disiplinado, hindi nagkakalat sa kalsada, siguradong ayos ang kaligtasan at ayos ang takbo ng ating pamumuhay.”

Ayon naman kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, layunin ng kampanya na maitanim ang disiplina lalo na sa kabataan.

“Ito pong programang Yes to Ayos ay nag-iinstill ng disiplina sa ating mga kababayan, lalo na po sa kabataan,” ani Artes.

Idinagdag naman ni MMDA General Manager Gen. Nicolas Torre:

“Maraming problemang kinakaharap ang MMDA na nagsisimula sa kakulangan ng disiplina. Ang basura pa lamang ay nagdudulot na ng pagbaha, na nagiging sanhi naman ng matinding trapiko. Bakit may basura sa kalsada? Disiplina ang sagot.”

Isinusulong ng kampanyang “Yes to Ayos” ang mga simple ngunit makabuluhang gawain na nagpapakita ng disiplina sa publiko, kabilang ang tamang paggamit ng pedestrian crossings, pagsunod sa mga batas-trapiko, wastong pamamahala ng basura, at maayos na pagpila sa mga pampublikong lugar.

Habang patuloy na pinalalakas ng Lungsod ng Pasay ang mga hakbang upang mapanatili ang malinis na daloy ng tubig at mapangalagaan ang kalikasan para sa mga susunod na henerasyon, umaasa itong magsisilbing huwaran ang programang ito para sa iba pang mga lugar at lokal na pamahalaang may magkatuwang na pananagutan sa pangangalaga at rehabilitasyon ng Manila Bay. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here