Home NATIONWIDE PBBM nagdeklara ng holiday sa 7 lokalidad sa buwan ng Hulyo, Agosto

PBBM nagdeklara ng holiday sa 7 lokalidad sa buwan ng Hulyo, Agosto

13
0

MANILA, Philippines – NAGDEKLARA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng special non-working days sa apat na munisipalidad at tatlong lungsod sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa buwan ng Hulyo at unang linggo ng Agosto sa pamamagitan ng hiwalay na proklamasyon.

Sa ilalim ng Proclamation No. 1349, Hulyo 20, araw ng Lunes, ay idineklarang special non-working day sa Munisipalidad ng Labangan, Zamboanga del Sur, bilang tanda ng 77th founding anniversary nito.

Idineklara naman ni Pangulong Marcos ang Hulyo 20 bilang special non-working day sa Lungsod ng Digos, Davao del Sur, sa pamamagitan ng Proclamation No. 1350 bilang tanda ng Padigosan Festival, orihinal na naka-iskedyul para sa Hulyo 19, na bumagsak sa araw ng Linggo.

Upang magawa ng mga mamamayan ng Digos City na ganap na ipagdiwang ang nasabing okasyon, hiniling ng Office of the Mayor ng Digos na ang Hulyo 20 ay ideklarang special non-working day sa halip na Hulyo 19.

Sa pamamagitan ng Proclamation No. 1351, idineklara ang Hulyo 21, Martes, bilang isang special non-working day sa Munisipalidad ng General Nakar, Quezon, bilang tanda ng founding anniversary nito.

Sa pamamagitan ng Proclamation No. 1346, idineklara ang Hulyo 22, Wednesday, bilang isang special non-working day sa Munisipalidad ng Mutia, Zamboanga del Norte, bilang tanda ng 66th Araw ng Mutia.

Nagpalabas din si Pangulong Marcos ng Proclamation No. 1352, dinedeklara ang Hulyo 22 bilang special non-working day sa Munisipalidad ng Pililla, Rizal, para sa kapistahan ng bayan nito at founding anniversary.

Idineklara rin ng Pangulo ang Hulyo 25, Sabado, bilang special non-working day sa Lungsod ng Santiago, Isabela, sa pamamagitan ng Proclamation No. 1347 para pahintulutan ang mga residente nito na magdiwang ng Aggaw na Naturales Day, ang taunang founding anniversary celebration ng lungsod.

Nagpalabas din ang Pangulo ng Proclamation No. 1348, na nagdedeklara sa Agosto 4, Martes, bilang special non-working day sa Lungsod ng Cabuyao, Laguna, bilang tanda ng 14th cityhood anniversary nito.

Sa pahintulot ng Pangulo, nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto ang Proclamation Nos. 1346 hanggang 1348 noong Hulyo 9, at Proclamation No. 1349, noong Hulyo 13.

Ang Proclamations No. 1350 at 1351 tinintahan noong Hulyo 14, habang ang Proclamation No. 1352 ay pinirmahan naman noong Hulyo 16.

Sa ilalim ng mga alituntunin ng Department of Labor and Employment, ang “no work, no pay” principle ay dapat na i-aplay sa mga empleyado na hindi nagta-trabaho sa panahon ng special non-working days, maliban lamang kung mayroong paborableng company policy, practice o collective bargaining agreement na nagkakaloob ng kabayaran o bayad sa mga special days.

Kapag ang empleyado ay nagtrabaho sa isa sa mga special non-working days, makakukuha ang mga ito ng 130% ng kanilang daily rate para sa unang walong oras, kung ito ay babagsak sa kanilang rest day, ang rate ay tataas ng hanggang 150%. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here