MANILA, Philippines – Nais ni Akbayan Party-list Rep. Dadah Kiram Ismula na tanggalin ang tinatawag na “forgiveness clause” sa Revised Penal Code (RPC) na may kinalaman sa krimen ng rape,
Layon ng House Bill No. 10099 na inihain ni ismula alisin ang Article 266-C ng RPC.
Sa ilalim ng kasalukuyang probisyon, mapapawi ang kriminal na pananagutan sa panggagahasa kapag ikinasal ang salarin sa biktima, o kung ang isang asawang lalaking nagsagawa ng panggagahasa ay pinatawad ng kanyang asawa.
Ayon kay Ismula, mali na nananatili pa rin ang ganitong probisyon sa batas.
“Rape is a grave crime. Marriage should never be used to shield the rapist from accountability and condemn the survivor to a lifetime of hell,” giit ni Ismula.
“Nakakahiya na nasa batas pa rin natin ito. Panahon na para i-amend ang ating batas para sa dignidad ng mga victim survivors ng rape,” paliwanag ng mambabatas,
Para kay Ismula, hindi dapat piliting magpakasal ang mga biktima ng panggagahasa sa kanilang mga salarin upang makaiwas sa prosekusyon.
Layunin din ng panukala na baguhin ang mga kaugnay na artikulo ng penal code upang matiyak na hindi na maaaring makaiwas sa pananagutan ang mga salarin.
“The forgiveness clause is an outdated and harmful notion that marriage or pardon can erase the trauma of rape. In practice, it risks compelling victims to remain tied to their aggressors, thereby perpetuating cycles of abuse and enabling offenders to escape accountability. Such a legal mechanism undermines the seriousness of rape as a crime and diminishes the rights and dignity of women,” nakasaad sa panukala.
Maliban kay Ismula kabilang din sa may akda ng panukala sina Akbayan Party-list Reps. Chel Diokno at Perci Cendaña, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao. Gail Mendoza