MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senador Bam Aquino ang mahalagang papel ng kabataang Pilipino sa pagsusulong ng positibong pagbabago kasabay ng paghikayat sa mga youth organization na nagdulot ng makabuluhan at pangmatagalang epekto sa kanilang mga komunidad na sumali sa ika-22 Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Awards.
Inorganisa ng TAYO Foundation at suportado ng Office of Senator Bam Aquino at Office of Senator Francis “Kiko” Pangilinan, ang TAYO Awards na kinikilalang pangunahing award-giving body sa bansa na nagbibigay-pagkilala at suporta sa natatanging ambag ng mga youth organization sa buong Pilipinas.
“Ang kabataang Pilipino ang palaging nangunguna pagdating sa positibong pagbabago sa bansa at sa komunidad. Sa pamamagitan ng TAYO Awards, nais nating kilalanin at bigyang-pugay ang mga organisasyong nagpapakita ng dedikasyon sa paglilingkod sa bayan at sa kapwa,” ani Aquino.
Hinikayat ni Aquino ang mga kwalipikadong youth organization mula sa lahat ng rehiyon ng bansa na lumahok at ibahagi ang kanilang kuwento kung paano nabago ng kanilang mga pagkilos ang buhay ng mga tao at napalakas ang kanilang mga komunidad.
“Naniniwala tayo na maraming kuwento ng kabataang nagbibigay ng pag-asa at inspirasyon mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Hinihikayat natin ang ating youth groups na sumali sa TAYO Awards at ipakita ang kanilang mga proyekto’y programa na nakapagpabago ng buhay at nakatulong sa marami nating kababayan,” wika niya.
Ayon sa TAYO Awards Foundation, ang tema ng ika-22 TAYO Awards ay “Magiting,” na hango sa kilalang linya ng Lupang Hinirang na “duyan ka ng magiting.”
“We live in a time marked by disruption, war, corruption, disinformation, and widening social inequalities. Yet amid these conditions, young people continue to co-own problems and co-create solutions,” ayon sa TAYO Foundation.
“TAYO Awards seek organizations rooted in collective responsibility that have the willingness to begin, persist, and serve even under difficult circumstances,” dagdag pa nito.
Bukas ang paghahanap para sa anumang youth organization na may hindi bababa sa limang miyembro at may proyektong o programang ipinatupad mula Setyembre 2024 hanggang Marso 2026.
Maaaring magsumite ng aplikasyon sa mga sumusunod na kategorya: Environment, Disaster Risk Reduction, and Climate Change Adaptation; Culture, Arts, and Heritage; Education and Technology; Health, Well-Being, and Human Development; Livelihood and Entrepreneurship; at Leadership and Governance.
Ang mga awardee at finalist ay tatanggap ng iconic TAYO trophy na dinisenyo ng kilalang Pilipinong iskultor na si Toym Imao. Ang mga awardee ay maaari ring makatanggap ng hanggang P2 milyong halaga ng grant, bukod pa sa mga espesyal na parangal at pagkilala mula sa mga partner at sponsor ng TAYO.
Magiging bahagi rin ang mga kalahok ng lumalawak na TAYO Alumni Network na binubuo ng mga youth leader at organisasyon ng kabataan mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang huling araw ng pagsusumite ng aplikasyon ay sa Hulyo 31, 2026, alas-11:59 ng gabi. Ang mga organisasyong may mga tanong o nais magtanong ay maaaring magpadala ng mensahe sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Facebook Page o mag-email sa [email protected]. Ernie Reyes