MANILA, Philippines – Kinondena ni Senador Robin Padilla ang inilarawan niya bilang “violent and aggressive” actions ng China Coast Guard laban sa tauhan ng Philippine military sa komprontasyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Sa pahayag, kinondena ni Padilla ang ulat na mayroong sinaktang miyembro ng Philippine Navy, at sinabing ang insidente ay “not just a simple altercation” ngunit isang “blatant affront” sa tropang Pinoy na ginagawa ang tungkulin sa dagat na sakop ng maritime rights at hurisdiksyon ng Pilipinas.
“Sobra na,” ani Padilla.
Dahil dito ay nanawagan ang senador sa pamahalaan na gumawa ng “stronger and more concrete” measures upang maprotektahan ang mga Pinoy at maipaglaban ang maritime rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Hinimok din niya ang mga awtoridad na panagutin ang nasa likod ng pananakit at sinabing ang diplomatic protests ay hindi sapat sa ganitong mga insidente.
“Hindi ako sang-ayon sa digmaan. Ngunit hindi rin ako sang-ayon na ang paghahangad natin ng kapayapaan ay abusuhin at ituring na kahinaan. Sumusobra na ang China Coast Guard,” sinabi ni Padilla. RNT/JGC