Home NATIONWIDE Higit P174.6M ayuda ipinamahagi sa manggagawa at magsasaka sa Negros, Siquijor

Higit P174.6M ayuda ipinamahagi sa manggagawa at magsasaka sa Negros, Siquijor

8
0

MANILA, Philippines – SA UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan ang mga higit na nangangailangan, mahigit P174.6 milyong cash assistance at iba pang ayuda ang ipinamahagi kamakailan sa mahigit 20,000 manggagawa, magsasaka at iba pang benepisyaryo sa Negros Island at Siquijor.

“Nais ng Pangulo na palawakin ang mga oportunidad sa trabaho at kabuhayan habang pinatitibay ang bagong tatag na Negros Island Region,” ayon kay Presidential Communications Office at Palace Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malakanyang, araw ng Lunes.

“Mahigit 20,000 na mga manggagawa, magsasaka, at mga higit na nangangailangan sa Negros Oriental, Negros Occidental, at Siquijor ang nakatanggap ng mahigit P174.6 million na ayuda mula sa Department of Labor and Employment (DOLE),” dagdag pa ni Castro.

Sinabi ni Castro na pinangunahan ni Labor Secretary Francis Tolentino ang pamamahagi ng mahigit P7.4 milyong livelihood grant sa 174 benepisyaryo sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), katuwang ang Danawan Agrarian Reform Beneficiaries Association.

Ayon kay Castro, patuloy ang DOLE sa pagbibigay ng tulong at serbisyo upang masuportahan ang iba’t ibang kabuhayan tulad ng agribusiness, rice at corn milling, rice trading, paghahayupan, pagtatanim ng gulay at maliliit na negosyo para magkaroon ng pangmatagalang pagkakakitaan ang mga benepisyaryo.

Binanggit rin ng Palace Press Officer na naglaan din ang DOLE ng pondo para sa TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers), isang emergency employment program na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga displaced, underemployed at seasonal workers.

Bukod dito, nagbigay din ang DOLE ng pansamantalang trabaho sa libu-libong benepisyaryo sa Negros Oriental, Negros Occidental at Siquijor.

Kabilang sa mga ipinagawang trabaho ang pagkukumpuni ng mga pampublikong pasilidad, paglilinis ng mga kalsada at iba pang gawaing pangkomunidad, ayon pa kay Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here