Home NATIONWIDE China kinondena sa Senado vs pananakit sa PN personnel sa Ayungin Shoal

China kinondena sa Senado vs pananakit sa PN personnel sa Ayungin Shoal

8
0

MANILA, Philippines – Matinding kinondena sa Senado ang China sa pananakit ng tauhan ng Philippine Navy (PN) na nagbabantay sa Ayungin Shoal sa kabila ng teritoryo ng Pilipinas ang lugar na illegal na pinanghihimasukan ng Beijing.

Sa maghiwalay na pahayag, kapwa kinondena ang China nina Senador Bam Aquino at Francis “Kiko” Pangilinan ang panibagong Insidente nang panggigipit ng China Coast Guard sa loob ng teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

“Lubos nating kinokondena ang sunod sunod na karahasan at pang-iinsulto na ibinato sa Pilipinas,” ayon kay Aquino.

Aniya, sa mga nangyaring ito, lalo’t higit nating suportahan ang ating Navy, Coast Guard, at ating mga mangingisda upang matiyak na protektado ang ating soberanya sa anumang panghihimasok ng dayuhan.

Kasabay nito, matinding pinalagan din ni Pangilinan ang panghihimasok at panggigipit ng China sa ating sundalo na legal na nagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas na pilit inaagawa ng Beijing sa kabilan ng Arbitral Award sa lugar.

“Mariin nating kinokondena ang paghampas ng mga tauhan ng China Coast Guard sa ating Philippine Navy kahapon sa paligid ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea, na malinaw na nasa loob ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas ayon sa 2016 Arbitral Award,” ayon kay Pangilinan.

Ikinatuwiran ni Pangilinan na “nasa bakuran na namin kayo, kayo pa ang may ganang manakit. Ang ganitong pananakit at paggamit ng dahas laban sa aming mga tauhan ay labag sa basic GMRC at sa obligasyon ng mga estado sa ilalim ng international law na umiwas sa banta at paggamit ng puwersa.”

“Nagsalita na ang international tribunal: Isang low-tide elevation sa loob ng EEZ at continental shelf ng Pilipinas ang Ayungin Shoal, at wala kayong anumang “historic rights” o sovereign rights na puwedeng mang-override sa karapatan ng Pilipinas sa mga lugar na ito,” giit ng senador.

“Hinampas na kayo ng lohika at ng batas, na sinusuportahan ngayon ng mahigit 40 bansa sa buong mundo. Umarte ayon sa lakas ng batas at ayon sa inyong standing sa international community of nations. Huwag umarte bilang bully,” dagdag niya.

Sinabi ni Pangilinan na taliwas ang paulit‑ulit na pananakit at harassment sa obligasyon ng China ilalim ng Charter ng United Nations at UNCLOS na igalang ang mga karapatan ng ibang estado at panatilihin ang kapayapaan sa dagat.

“Tigilan na ninyo ang pananakot, pangha-harass, at paggamit ng dahas laban sa aming magigiting at mapagpigil na Philippine Navy, na nagsasagawa lamang ng lehitimo at ligal na resupply at sustainment mission sa loob ng ating sariling EEZ,” ani Pangilinan.

“Nananawagan tayo sa Department of Foreign Affairs na agad magsumite ng isang matibay na diplomatic protest. Ipabatid ang insidenteng ito sa ASEAN at sa iba pang mga bansang kaalyado natin. At gamitin ang lahat ng ligal at diplomatikong paraan, kabilang ang malinaw na 2016 Arbitral Award. Lahat ng ito upang papanagutin ang China, palakasin ang suporta ng pandaigdigang komunidad, at ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas, ang kaligtasan ng ating mamamayan, at ang kapayapaan sa West
Philippine Sea,” ayon sa mambabatas. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here