MANILA, Philippines – Nasa higit P23 milyon halaga ng mga ismagel na frozen agricultural products at iba pang food items mula sa China ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA), sa isinagawang operasyon sa Port of Manila.
Pinangunahan ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang inspeksyon sa mga shipment noong Hulyo 21 matapos itong matukoy sa pamamagitan ng customs intelligence, risk assessment, at profiling. Dahil dito, nagpalabas ang ahensya ng tatlong Pre-Lodgment Control Orders (PLCOs) at dalawang Alert Orders.
Sa unang deklarasyon, nakasaad na ang laman ng limang container ay iba’t ibang processed food products tulad ng squid balls, fish tofu, fish roe balls at iba pa. Gayunman, sa isinagawang 100 porsiyentong pisikal na inspeksyon, natuklasan ang iba’t ibang misdeclared at iligal na inangkat na frozen agricultural products kabilang ang peeled at skinless chicken breast, frozen pigeon, Peking duck, frozen duck meat, at iba pang frozen food items.
Ayon sa BOC, tinatayang ₱17.03 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang produkto habang aabot sa ₱6.24 milyon ang kaukulang duties at taxes, na nagdala sa kabuuang halaga ng shipment sa ₱23.27 milyon.
Nagpasalamat si Commissioner Nepomuceno kay Agriculture Secretary Francisco Laurel at sa DA sa patuloy na pakikipagtulungan sa kampanya laban sa agricultural smuggling. Aniya, hindi nila hahayaang makalusot ang mga produktong sadyang minamali ang deklarasyon upang makaiwas sa regulasyon at pagbabayad ng tamang buwis.
Naglabas naman si Port of Manila District Collector Rizalino Jose C. Torralba ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) laban sa limang shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863) at Food Safety Act of 2013 (RA 10611).
Iniimbestigahan din ang mga shipment sa posibleng paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act (RA 12022) dahil lumampas sa ₱10 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang produkto, na pasok sa itinuturing na malakihang agricultural smuggling.
Iginiit ng BOC na ipagpapatuloy nito ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa DA at iba pang ahensya upang mapigilan ang agricultural smuggling, maprotektahan ang seguridad sa pagkain, at mapangalagaan ang kapakanan ng mga lokal na magsasaka, mamimili, at lehitimong negosyo. JAY Reyes